Nagsimula na ang lokal na pamahalaan ng Magdiwang, Romblon sa pagsasagawa ng pre-emptive evacuation ngayong araw bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng Bagyong Kristine sa mga susunod na oras.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nasa 59 katao o 12 pamilya na ang dinala sa evacuation centers mula sa mga apektadong barangay ng Poblacion at Agutay.
Kasama rin sa bilang ang 8 pasahero at 19 na crew na stranded sa bayan matapos kanselahin ang mga biyahe ng barko palabas ng isla.
Bilang tugon, namahagi na ng mga food packs ang lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga lumikas na residente. Patuloy din ang paalala ng MDRRMO sa lahat ng mga residente na mag-ingat, lalo na sa mga lugar na may mataas na posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa. Nakahanda na rin ang mga rescue team para sa anumang posibleng aksidente dulot ng bagyo. (with reports from Abegail Recto/RNN)
Discussion about this post