Bilang bahagi ng kanilang patuloy na laban kontra droga, muling nangampanya ang mga lider ng barangay sa bayan ng Magdiwang sa Isla ng Sibuyan upang sugpuin ang banta ng illegal na droga.
Ang pagkilos na ito ay kasunod ng sunod-sunod na operasyon ng pulisya laban sa mga drug-related activities sa isla.
Upang ipakita ang kanilang suporta, ang lahat ng barangay sa Magdiwang ay nag-sanib-puwersa at nakilahok sa isinagawang Fun Run 2024 noong Oktubre 17.
Ang aktibidad ay nagtagumpay sa pagtakbo ng higit sa 3 kilometro mula sa Magdiwang Covered Court patungo sa Ambulong Covered Court, habang suot ang kanilang mga uniporme na may nakasulat na “Kontra Droga BIDA Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan.”
Layunin ng aktibidad na ito na ipakita sa mga residente, lalo na sa mga kabataan, ang negatibong epekto ng droga sa kanilang buhay.
Nais nilang hikayatin ang mga kabataan na ituon ang kanilang atensyon at enerhiya sa mga positibong gawain upang maiwasan ang tukso ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.