Hinihinalang sinadyang sunugin ng hindi pa tukoy na salarin ang isang poste ng kuryente ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) na matatagpuan sa Sitio Cambicang sa Barangay Marigondon, Cajidiocan, Romblon.
Hindi kinumpirma ng pamunuan ng ROMELCO na may sumunog sa poste pero sinabi nilang dahil sa insidente ay apektado ang supply ng kuryente ng mga bayan ng Cajidiocan at Magdiwang
Magsasagawa na umano ng repair ang ROMELCO sa lugar para agarang maibalik sa maayos ang mga linya ng kuryente sa lugar.
Hinala ng iilan ay sinadyang sunugin ang poste dahil sa palpak di umanong serbisyo ng electric cooperative sa isla simula pa ng nakaraang mga buwan.
Ngayong araw din ay inanunsyo ng ROMELCO na nagkakaroon ng 12 oras na rotational brownout sa buong isla dahil sa kapos na supply ng kuryente.
Ayon sa ROMELCO, sa demand na 2.8 megawatt ng Sibuyan ay hanggang 2 megawatt lamang ang kayang i-supply ng 5-genset ng National Power Corporation (NPC). Hindi na rin umano halos nakaka-supply ng kuryente ang Cantingas Hydro Power Corp. dahil sa mahinang tubig sa Cantingas River.
Bilang tugon sa problema ng brownout ay pinapabilisan na umano ng ROMELCO ang commissioning sa bagong dating na genset na may kapasidad na 1 megawatt na nakalagay sa planta ng NPC sa bayan ng San Fernando.