Kinukwestiyon ng ilang may puwesto sa palengke ang ginawang aksyon ng Sangguniang Panlalawigan sa ordinansa na ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Odiongan na haharang sana sa pagpapatayo ng Divimart malapit sa Odiongan Public Market.
Sa isang mensahe sa ginanap na public hearing nitong Biyernes, sinabi ni Emy Ilagan, isa sa mga may puwesto sa palengke, na sila ay nalulungkot at nababahala dahil “hindi makita ng Sangguniang Panlalawigan kung ano ang parteng ginagampanan ng mga stallholders at vendors sa palengke.”
Hinahanap ng grupo kung ano ang naging batayan ng Sangguniang Panlalawigan para hindi paburan ang ordinansa.
“Bilang mga public officers, marapat lamang na mariin nating hingin at i-demand kung ano ang naging kanilang batayan para ipawalang-bisa ang isang ordinansa na nakaapekto sa nakaparaming tao,” pahayag nito.
Dagdag pa nito, bagama’t nakasaad sa titilo ng ordinansa ang salitang “prohibit” hindi umano ito nangunguhulagan na pinipigilan ng ordinansa ang kalakalan kung ito lamang ay ni-reregulate.
Sinabi rin ni Ilagan na naipaliwanag ng maayos kung bakit hindi ito ipinasa at aniya hindi taliwas sa Equal Protection Clause ang ordinansa.
Bilang sagot sa hinaing ng mga may puwesto sa palengke at sa mahabang petition paper na pirmado ng 28 kataong mula sa Odiongan Publc Market na ipinadala sa Sangguniang Bayan, sinabi ni SB member Juvy Faderogaya na idudulog nila ito sa tamang proseso at kung kailanganin ay hihilingin ang tugon ng DILG.