Isang bagong species ng maliit na palaka ang nadiskubre sa lalawigan ng Romblon, na itinuturing na isa sa pinakamaliit na amphibian na naitala sa Pilipinas.
Tinawag na Platymantis guiting o P. guiting, ang nasabing palaka ay pinangalanan mula sa Mt. Guiting-Guiting at may sukat na humigit-kumulang 14 milimetro, halos kasing laki lamang ng isang microSD card.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources MIMAROPA, natagpuan ang species sa mga kagubatan ng Sibuyan at Tablas Islands sa Romblon, at ito ay endemic o natatagpuan lamang sa naturang lugar.
Bukod sa maliit nitong sukat, natatangi rin ang P. guiting sa pagkakaroon ng mas maiikling limbs kumpara sa mga kahalintulad na species, at sa kakaibang “advertisement call” o tunog na ginagamit nito sa pag-akit ng kapareha, na inilalarawan bilang mahina ngunit paulit-ulit na clicking sounds.
Ang species ay pormal na inilarawan ng mga Filipino researchers mula sa University of Kansas matapos ang halos dalawang dekada ng pag-aaral.
Unang nakita ang palaka noong 2004, ngunit kamakailan lamang nakumpirma bilang isang hiwalay na species matapos ang masusing pagsusuri.
Ayon sa mga eksperto, ang pagkakadiskubre sa P. guiting ay nagpapakita ng mayamang biodiversity ng Pilipinas, partikular sa mga isolated island ecosystems tulad ng Romblon, na nananatiling hindi pa ganap na nadodokumento.
Binibigyang-diin din ng mga mananaliksik na mahalagang mapangalagaan ang mga ganitong habitat upang maprotektahan ang mga natatanging species na matatagpuan lamang sa bansa.



































Discussion about this post