Malaking bentahe sa mga magsasaka kung matutukoy agad kung sino ang bibili ng kanilang ani bago pa man sila magtanim, ayon sa Agribusiness Marketing Assistance Service Division (AMAD) ng Department of Agriculture.
Sa PIA virtual presser kamakailan, ipinaliwanag ni Dr. Celso Olido, AMAD Chief, na maliban sa pagtiyak ng mataas na kalidad ng produkto, ang pag-alam sa magiging buyers ang isang epektibong hakbang upang maiwasan ang pagkalugi ng mga magsasaka.
Ayon kay Dr. Olido, mahalagang matutunan ng karaniwang magsasaka ang business side ng pagsasaka o ang tamang pamamaraan para ibenta ang kanilang ani. Kailangan aniyang makahanap ang mga ito ng mga institutional buyers o malalaking establisimyento na tatangkilik sa kanilang mga produkto. Nakagisnan at nakasanayan na aniya ng maraming magbubukid na ituon lamang ang pansin sa pagbebenta ng produkto tuwing anihan, at kadalasan ay sa karaniwang traders. Saad pa ng opisyal, ito ang dahilan kung bakit hindi makapagdikta ng mataas na presyo ang mga magsasaka at sa halip ay nakaasa lamang sa farm gate price.
Kaugnay nito, sinabi ni Olido na hindi madali ang pakikipag-ugnayan sa mga potensyal na institutional buyers. May mga dokumento, aniya, na hinihingi ang mga malalaking tindahan, tulad ng resibo, delivery receipts at iba pang rekisitos, na kadalasan namang naibibigay ng mga kooperatiba.
Idinagdag ni Olido na sa bahaging ito nagkakaloob ng assistance ang DA-AMAD. Sa katunayan aniya, kamakailan ay ilang farmers cooperative sa lalawigan ang tinulungan nilang makahanap ng pagbabagsakan ng kanilang mga produkto. Aniya, may mga kooperatiba silang nai- match-up sa Walter Mart, Agricultural Development Center, at Bagsakan sa North Edsa, habang ang iba ay sa mga malalaking mamimili sa Palawan, Quezon, at Metro Manila.
Ang pag-uugnay sa direct buyers ay hakbang ng Kagawaran upang tugunan ang mga nagpasaklolong magsasaka ng sibuyas sa probinsya dahil sa naranasang bagsak-presyo ng kanilang produkto at pamiminsala ng mga pesteng Harabas.
Samantala, nanawagan si Dr. Olido sa mga Pamahalaang Lokal na tulungan ang kanilang mga magsasaka na makasali sa maayos na kooperatiba. Ang mga kooperatiba aniya ay benepisyaryo ng iba’t ibang programa ng DA, at maiuugnay din sila sa mga institutional buyers. Sa panig naman ng mga magsasaka, binigyang-diin ng AMAD Chief na dapat nilang patuloy na pag-aralan na itaas ang kalidad ng kanilang produkto upang mas madaling ibenta sa mga mamimili. (VND/PIA MIMAROPA)