Kung marami ang luhaang overseas Filipino workers noong nakaraang taon dahil sa lintek na COVID-19 pandemic, magdilang-anghel sana ang mga ayudanatics nating kurimaw na makababawi na sila bago matapos ang 2021.
Iba-iba mga tropapips ang numero na binabanggit ng mga ahensiya ng gobyerno tungkol sa bilang ng mga OFW na napilitang umuwi sa Pilipinas dahil naapektuhan ng pandemic ang kanilang mga trabaho.
Pero ang tiyak, daang libo ang bilang nila. Hindi rin malinaw kung ang numero ng mga OFW at iba pang Pinoy sa abroad na umuwi sa bansa eh pinagsamang bilang na ng Department of Labor and Employment at ng Department of Foreign Affairs, na tinutulungan nilang ma-repatriate.
Kung tutuusin, kung may isang aral na iiwan ang pandemic na dapat pag-iisipan mabuti eh ang naging epekto ng krisis sa OFWs. Gaano kaepektibo ang naging pagtugon sa kanila ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno? Mula sa pagpapauwi, hanggang sa pagbibigay ng tulong para makabangon sila sa pandemic.
Dito kasi malalaman mga tropapips kung sapat ba o hindi ang ginawang pagsagip sa mga tinatawag na mga “bagong bayani,” o kung kailangan ba talaga ng isang kagawan na tututok sa kanila–gaya ng nakabinbing panukalang batas sa Kongreso na magbuo ng Department of Overseas Filipino.
Talaga namang nakabibilib mga tropapips ang mga OFW at mga Pinoy abroad dahil sa kabila ng krisis ay patuloy pa rin ang pagpapadala nila ng pera sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas sa pamamagitan ng remittances.
Sa isang ulat na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas nitong Oktubre, aba’y tumaas pa rin ang dollar remittances ng mga OFW. Sa unang walong buwan ng 2021, umaabot sa $20.38 bilyon, na mas mataas sa $19.285 bilyon na naitala sa katulad na panahon noong 2020.
Kaya naman kahit naging anemic ang ekonomiya dahil nagkahetot-hetot ang mga negosyo sa bansa dahil sa pandemic, nagsisilbing “dugo” ng ekonomiya ang dollar remittances para hindi tuluyang malagutan ng hininga.
At ngayon nga na nagluluwag na muli ang iba’t ibang bansa, dumadami na muli ang mga OFW na makakapagtrabaho sa abroad. Ang malungkot nga lang, mawawalay naman sila sa kanilang mga pamilya.
Pero ano ba ang mahalaga: Ang magkakasama ang pamilya pero hikahos? O may isang magsasakripisyo para gumanda ang buhay nila? Para ding “buhay” o “ekonomiya” ngayong pandemic na mahirap pumili kasi parehong mahalaga.
Bukod sa dumadami na ang trabaho muli sa abroad para sa mga OFW, magandang balita rin ang hatid na babayaran ng Saudi Arabia ang utang sa may 9,000 OFW na hindi nakatanggap ng sahod na aabot daw sa P4.6 bilyon.
Aabangan natin mga tropapips kung havey o waley ang sinasabi ng DOLE na posibleng maibigay na ang naturang sahod sa mga OFW ngayon paparating na Disyembre. Kapag nangyari ‘yan, magiging masaya ang Pasko o Bagong Taon ng mga OFW na hindi nakasahod.
May good news din sa mga OFW sa Iraq dahil ibinaba na ng DFA sa Alert Level 3 ang sitwasyon doon. Kaya ang mga OFW sa Iraq na ilang taon nang hindi nakakauwi sa bansa dahil sa takot na baka hindi na sila paalisin o pabalikin sa kanilang trabaho matapos ang kanilang bakasyon sa Pinas, puwede nang umuwi–pero may mga kondisyon na dapat alamin muna nila sa POEA.
Gaya ng mga OFW, tiis-tiis lang muna ang mga manggawang nawalan ng kita dahil sa pandemic at alagaan ang katinuan. Pasasaan ba’t matatapos din ang krisis at babalik din tayo sa pagiging kayod-kalabaw.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)