Sosyal na “napa-What The F!” mga tropapips ang kurimaw nating naghihinanakit sa mahal na presyo ng bigas kahit bumaha na ng imported rice, nang mabalitaan niya ang “tongpats” na isiniwalat ni Senador Ping Lacson sa pag-angkat ng mga karne sa Department of Agriculture ni Secretary William Dar.
Hindi nga naman kasi maiaalis na isipin na kung nagkakaroon ng kabulastugan sa importasyon ng karne, aba’y puwede ring nangyayari ‘yan sa pag-angkat ng bigas kaya napanis ang pangakong babagsak sa P25 per kilo ang bigas nang aprubahan ang rice tarriffication law noong 2019.
At ngayon nga, pinapaimbestigahan ni Lacson ang tinatawag niyang tatlong hagupit na dala ng kalokohan daw sa pag-aangkat ng mga karne sa ibang bansa–pati sa mga bansang mayroong ASF o African swine flu o fever.
Matik na dapat mga tropapips na kung may ASF sa isang bansa, hindi na dapat umangkat ng karne rito para hindi makarating sa Pilipinas ang sakit na tumatama sa mga baboy.
Ang kaso, bumaha pa rin daw ng imported meat sa atin mula sa mga bansang may ASF. Kaya pala hindi nakapagtataka na nadale nito ang napakaraming babuyan sa bansa, partikular na sa Luzon.
Pero bukod sa sakit ng ulo ng idinulot ng umano’y kabulastugan sa pag-angkat ng mga karne sa sektor ng mga magbababoy, malaking buwis din ang nawala sa kaban ng bansa at peligro sa kalusugan ng tao.
Ngayon, pilit na inoobliga ng pamahalaan ang mga nagtitinda ng baboy na magpatupad ng price ceiling sa karne; bagay na hindi nila magawa dahil nga mahal ang kuha nila ng baboy bunga ng kakulangan ng suplay sanhi ng ASF.
At dahil mahal ang karne, ang itinutulak ng DA, umangkat at payagan na dagdagan ang quota nito o ang Minimum Access Volume. But wait there’s more, aba’y nais din nilang ibaba siyempre ang taripa sa aangkating karne na mula sa 30 percent at gagawin na lang 5 percent.
Hindi ba parang bigas lang? Ibinaba ang taripa, dumami ang imported, pero mahal pa rin ang bigas.
Bukod sa mga hikahos na hirap na hirap na bumili ng maganda-gandang klase ng bigas na P40 hanggang P50 per kilo, kawawa rin ang mga lokal na magsasaka na nganga na lang kung papaano maibebenta ang kanilang aning palay.
Ang isa pang ipinagtataka ni Lacson na baka napasambit ng “anak ng kalabaw!,” aba’y bigla raw inilipat ni Dar sa Philippine Carabao Center ang pinuno ng Bureau of Animal Industry na si Ronnie Domingo.
Sa panahon daw kasi ni Domingo kumalat ang ASF, at panahon na pinayagan ang pag-angkat ng mga baboy sa mga bansang may ASF tulad ng China, Germany, Hungary at Belgium.
Dahil hindi pa rin nakakabangon ang industriya ng magbababoy sa ASF na matagal nang problema, naghain ng resolusyon ang Senado na magdeklara ng state of calamity para matutukan ito at mapaglaanan ng kaukulang pondo.
Saan na nga ba napunta at ano ang nangyari sa sinsabing pondong pang-ayuda sa mga naapektuhang magbababoy para makabawi sa kanilang pagkalugi nang patayin ang kanilang alaga dahil sa ASF? Nagkababuyan din kaya sa pondo? Ang iba raw kasi, sa halip na baboy, rabbit na lang inalagaan.
Mahina kaya ang radar ni Dar para masagap niya kung mayroon mang mga kolokoy na pinapaikutan siya sa ahensiya? O baka naman akma sa DA ang bagong-lumang kasabihan na “mahirap gisingin ang nagbibingi-bingihan?”
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)