Patuloy mga tropapips ang pagdami ng mga kababayan nating tinamaan ng made in China na COVID-19 na namamatay. Ang matindi nito, mahigit kalahati pala sa mga namatay ay hindi man lang nagawang gawin ang kanilang laban sa virus sa loob ng ospital.
Pero bago ‘yan, aba’y payukong napailing mga tropapips ang mga kurimaw nating mahilig magkape nang mabalitaan nila ang nangyari sa isang Grab lady driver na inaresto at ikinulong matapos na makairingan ang isang pulis.
Ang kuwento, may sinundong pasahero ang lady driver sa “pick-up at drop-point” ng isang sikat na coffee shop sa Taguig. Walang mali sa ginawa ng lady driver, pero may isang malaking pick-up truck na nakaparada at nakahambalang sa kaniyang unahan–na ang driver eh malaking pulis.
Kahit babaan at sakayan lang dapat ang lugar, ginawang “parking” area ni Pulis habang hinihintay daw ang kaniyang anak sa loob. Dahil may oras na hinahabol, pinapausad ni Lady driver si Pulis para makadaan siya. Pero si Pulis, deadma.
Hanggang sa bumaba na ang maliit na lady driver sa kaniyang sasakyan at kinumpronta ang malaking pulis na nauwi sa pagbalya ni Pulis sa pinto ng pick-up kay Lady driver. Gumanti naman sampal ang matapang na Lady driver kay Pulis. Dahil sa nangyari, inaresto si Lady driver dahil daw sa “assault” sa pulis.
Sa presscon, tila kinampihan ng mga opisyal ng PNP ang kabaro nilang pulis dahil nanakit daw si Lady driver. Pero kung tutuusin, “after the fact” na ang nangyari. Kung nag-park lang sana si Pulis sa tamang paradahan, at umusad siya para makadaan ang naghahanap-buhay na lady driver, wala sanang sampalan na nangyari.
Hirit ng mga kurimaw natin, maling ehemplo kung pagtatakpan ng mga opisyal ang ka-arogantihan ng kanilang mga kabaro. Pero kung si Police General Guillermo Eleazar ang NCRPO chief ngayon, baka naligo sa laway at sermon ang nakahambalang na pulis.
Samantala mga tropapips, mahigit 300,000 na ang positibong kaso ng COVID dito sa atin sa Pilipinas. At sa naturang bilang, mahigit 6,000 na ang namamatay. Ang malungkot pa nito, aba’y tumataas pa ang bilang mga kritikal.
Sa isang datos ng DOH, sinabing mahigit 50,000 ang active cases, at ang critical, aba’y nasa tatlong porsiyento o mahigit 1,500. Habang ang severe cases eh nasa mahigit na 1 percent.
Ang mga critical at severe na pasyente ang masasabing mabigat ang laban sa COVID sa loob ng ospital. Pero marami rin pala ang namatay sa COVID nang hindi man lang nadala sa ospital. Kahit pa sinasabing maraming ICU bed na para sa mga pasyenteng COVID ang bakante pa.
Sa isang pagdinig sa Senado mga tropapips, lumitaw sa datos na sinasabing galing sa DOH na hanggang noong Oktubre 5, nakasaad na 56 percent [o 3,279] sa 5,840 na namatay sa COVID ay hindi na-admit sa ospital. Bukod pa sa 76 percent o 1,233 ng 1,629 ng mga critical patients ang hindi rin nadala sa ospital.
Ang tanong, bakit ganun? Takot bang magpa-ospital ang mga pasyente? Takot ba sila na wala silang maibabayad sa ospital dahil libu-libo ang gastos at may umaabot pa ng milyon? O hindi nila alam kung saang ospital sila dapat dadalhin?
Si DOH Secretary Francisco Duque III, parang sinisi pa ang mga pasyenteng namatay dahil isa raw sa problema ng mga Pinoy, lalo na ang mga mahihirap, eh magpupunta lang sa ospital kapag malalala na ang sakit at hindi na kayang gamutin.
Kaya ang resulta raw, hindi na umaabot nang buhay sa ospital ang mga pasyente. Ang problema, noong Agosto pala eh napansin na ni Sen. Joel Villanueva na maraming namamatay sa COVID ang hindi naoospital pero anong ginawa ng DOH at lalo pang tumaas?
Kung nadala sana at naratay sa ospital ang mahigit 3,000 namatay sa COVID, nagkaroon sana sila ng magandang laban sa COVID at baka nabuhay pa ang ilan sa kanila.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)