Alinsunod sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), isinailalim na ngayong araw sa ‘State of Calamity’ ang Romblon dahil sa pinsalang iniwan ng bagyong Tisoy sa iba’t ibang lugar sa probinsya.
Sa resolusyon na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ngayong hapon, tinukoy na dahilan ng pagdedeklara ng State of Calamity ang pagkawasak ng libo-libong mga bahay, pinsala ng bagyo sa agrikultura, sa mga alagang hayop, sa mga pangisdaan, sa mga kalsada, at sa mga imprastraktura sa iba’t ibang bayan.
Batay sa inisyal na taya ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), aabot na sa 14,770 na mga bahay ang sinira ng bagyo sa buong lalawigan, kung saan 1,852 rito ay totally damaged o hindi na pwedeng matulugan. May 16,223 naman na pamilya o 78,229 na indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyo sa probinsya.
Mahigit 3million naman na halaga ng palay, casava, at mais ang sinira ng bagyo sa buong lalawigan matapos ilubog sa baha at itumba ng hangin ang mga tanim, batay sa datus naman ng inisyal na ulat naman ang Provincial Agriculture Office.
Sa panayam ng Philippine Information Agency – Romblon kay Ret. Col. Roseller Muros, OIC ng Romblon PDRRMC, sinabi nito na malaki talaga ang naging pinsala ng bagyo lalo na dito sa mga bayan ng Banton, Corcuera, at Concepcion dahil sobrang nalapit sila sa mata ni Tisoy.
“Sa Tres Islas (Banton, Corcuera, at Concepcion) devastated talaga kumpara sa ibang island kasi malapit sila sa sentro ng bagyo e, unlike dito sa ibang municipalities, although ‘yung ibang munisipyo naman sa Tablas ay medyo devastated din pero hindi pare-pareho ‘yung pinsala ng bagyo,” ayon kay Muros.
Samantala, wala na rin umanong nanatiling bakwit sa mga evacuation centers sa ngayon.
“Wala ng tayong evacuee, nakauwi na sila lahat. ‘Yung mga walang bahay, doon muna tumuloy sa kani-kanilang mga kamag-anak,” pahayag ni Muros.