Mahigit 300 na Romblomanon ang nakinabang sa dinalang serbisyo ng National Bureau of Investigation (NBI) sa probinsya ng Romblon nitong nakalipas na Setyembre 9-14.
Ayon kay G. Ronald Geronimo ng Public Employment Service Office (PESO) ng probinsya ng Romblon, umabot umano sa 458 ang pumunta sa mobile servicing ng NBI ngunit 362 lang ang kabuoang bilang ng mga nabigyan at mabibigyan pa ng kanilang in-apply na Clearance sa NBI.
Sa isang panayam naman ni Governor Jose Riano noong Setyembre 9, sinabi nito na malaking bagay ang pagpunta ng National Bureau of Investigation sa probinsya ng Romblon dahil malaki ang natitipid ng isang Romblomanon na gustong kumuha ng NBI Clearance.
“Malaki ang gagastusin mo kung pupunta ka ng Manila para kumuha ng NBI Clearance, at least itong mobile servicing natin ay malaking tulong na sa kanila. Sa halip na gagastos sila ng mahigit P4,000 para sa hotel, pamasahe at pagkain para kumuha ng NBI Clerance sa Manila, makakatipid sila dahil P215 lang ang bayad pag sila ang pumunta sa atin,” ayon kay Riano.
Sinabi rin ni Riano na makikipag-ugnayan ulit sila sa pamunuan ng NBI para magsagawa rin ng mobile servicing sa mga isla ng Tablas at Sibuyan sa mga susunod na buwan.
Makikipag-ugnayan rin aniya sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) para magsagawa rin ng mobile passporting sa probinsya ng Romblon bago matapos ang taon.