Isang bahay sa Sitio Cahuyong sa Brgy. Ginablan, Romblon, Romblon ang halos wasakin na ng malalakas na alon ng dagat dala ng habagat na pinapalakas ng Bagyong Falcon ng Low-Pressure Area na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), nitong Miyerkules, July 17.
Ayon kay Joseph Ibabao ng PDRRMO Romblon, ang nasabing bahay ay pagmamay-ari ni Antonio Manrique, 54 taong gulang at residente ng naturang lugar.
Maswerte namang walang nasaktan sa pamilya ni Manrique sa kasagsagan ng pananalasa ng malakas na alon sa kanilang lugar.
Humiling na ng agarang tulong si Manrique sa gobyerno para sa pagsasaayos ng kanyang munting bahay.
Nakahanda namang magbigay ng tulong ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office – Romblon sa pamilya ni Manrique sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga kagamitan sa pagluluto tulad ng kaldero at kawali, timba, mga kagamitang pang-kusina tulad ng mga plato, kutsilyo, sandok, baso, mga kutsara’t tinidor, kulambo, banig, unan, kumot, hygiene kits at iba pa.