Inilunsad kamakailan ng kumpanyang Honda, sa pakikipagtulungan ng Romblon Electric Cooperative (ROMELCO) Inc., ang programa kung saan maaring umupa ang mga member/consumer ng kooperatiba sa 100 units ng electric vehicles ng Honda.
Ang naturang sasakyan ay nagkakahalaga ng P500,000 at bukas lamang para rentahan ng apat na taon sa halagang P2,000 kada buwan ng mga member /consumer ng kooperatiba. Libre rin ang halos lahat ng maintenance nito gaya ng gulong, break pad, break shoe, tire hose at iba pa.
Tanging sa Honda service center lamang sa Romblon, Romblon maaari itong dalhin para sa maintenance o anumang problema ng sasakyan.
Ang electric vehicle ay derektang nagmula sa Japan at tanging makikita lamang sa bayan ng Romblon na bahagi pa rin ng isinusulong na Renewable Projects ng Romelco para sa kanyang nasasakupan.
Ang pamunuan ng Romelco, sa pangunguna ni General Manager Engr. Rene M. Fajilagutan ay labis na nagalak sa positibong feedback patungkol sa proyektong ito dahil napakaraming indibidwal mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nakikipag-ugnayan sa kanila upang alamin kung paano sila makabili ng Honda Electric Vehicle.
Sinabi naman ni Alma B. Regala, information officer ng Romelco na sila ay dinagsa rin ng napakaraming mensahe sa Romelco Facebook Page ng mga taong nais ding makaranas na makagamit ng naturang sasakyan dahil sa ito ay environment friendly, solidong ‘Japan made’ at malaking tulong para sa mga nagtitipid sa gastusin lalo na sa gasolina.
“Ang gobyerno ng Japan na tumulong upang maisakatuparan ang Wind Turbine” at Honda Electric Vehicle ay bunga ng pagpupursige ng Romelco na mabigyan ng maayos, malinis at murang serbisyo ng kuryente ang mga taga-Romblon na ating maipagmamalaki at dapat na ingatan sa darating na panahon,” pahayag ni Regala.
Aniya, bago inilabas ang Honda EV sa munisipyo ng Romblon ay masusi itong pinag-aralan kung saan matagal na panahon ang ginugol sa bawat detalye ng pagtitipid ng mga biyahero partikular ang mga nag mamay-ari ng motorsiklo na nakatira sa malalayong lugar.
“Ang proyektong ito ay dapat ipagmalaki ng mga taga-Romblon, Romblon sapagkat kauna-unahang inilabas ito ng Honda dito at hindi mo makikita sa ibang lugar ng Pilipinas kung saan walang intensiyong masama ang nasabing kumpanya kundi ang matulungan ang ating lugar na panatilihing malinis at makapag-impok tayo ng naaayon sa tama,”dagdag pa ni Regala.
Ayon pa sa pamunuan ng Romelco, ang Honda Electric Scooter ay pinarerentahan lamang sapagkat ito ay “Pilot Project” o paunang proyekto na sa kalaunan ay papalawakin pa dahil na rin sa mabilis na pag-inog ng teknolohiyang napapaloob dito.
“Ang P2,000 renta ang sagot sa mga gumagastos ng mas malaki sa pang-araw araw na pamasahe at pagbili ng gasolina para sa paghahanapbuhay, pag-aaral o ano pa mang gawain na kailangang sumakay ka para makarating sa iyong patutunguhan, hindi po ito sagot para sa mga nagnanais magkaroon ng sariling unit ng EV o sasakyan dahil hindi po ito ibinebenta. Gayunpaman huwag pong alisin ang posibilidad na sakaling maganda ang maging resulta ng proyektong ito ang mga kumuha ng unit ay mas pagpapalain,” pagtatapos ni Regala.
Ang proyektong ito ay tugon din sa problema sa polusyon na nagdudulot ng malaking epekto sa kalusugan ng mga mamamayan at naglalayong mabawasan ang pagamit ng oil fuel na siyang nagdudulot ng panganib sa kalikasan.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)