Inilatag na ng lokal na pamahalaan ng Romblon sa pangunguna ng Municipal Treasurer ang “Business One-Stop Shop (BOSS) Processing Lane” sa ground floor lobby ng munisipyo simula noong ika-7 ng Enero.
Ang BOSS Processing Lane ay magtatagal ng hanggang ika-18 ng Enero na ang layunin ay mapadali ang mga aplikasyon para sa renewal ng business permit gayundin ng mga bagong aplikasyon ng mga nagnanais na magtayo ng negosyo at mapabilis ang transaksiyon ng sinumang nagbabayad ng buwis.
Taunang ginagawa ito ng pamahalaang bayan ng Romblon upang kagyat na malaman at mas madaling makita ng mga mag-aayos ng kanilang papeles o magbabayad ng buwis ang tanggapan ng mga opisina na may kaugnayan sa kanilang gagawing transaksiyon sa munisipyo.
Kabilang sa mga ahensiyang nagtalaga ng processing lanes ay ang Municipal Planning and Development Coordinator para sa zoning and land use clearance, Municipal Engineering Office para sa building inspection clearance, Rural Health Unit (RHU) para sa sanitary inspection clearance at medical clearance at Bureau of Fire Protection para sa fire safety inspection clearance.
Pinapayuhan ng Municipal Treasurer’s Office ang mga negosyanteng balak magtayo ng bagong negosyo na magtungo muna sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa business name gayundin sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa Tax Identification Number (EO 98) at BIR Registration at kinakailangan ding kumuha ang isang aplikante ng ng Community Tax Certificate o cedula (R.A. 7160).
Nagsabit rin ng tarpaulin ang treasurer’s office kung saan mababasa ang mga paraan sa pagkuha ng business permit upang maging basehan ng mga kliyente kung anu-anong rekisitos ang kailangan nilang kompletohin bago makakuha ng permit o makapagbayad ng buwis.
Sinabi ni Monica M. Malay, municipal treasurer, ang isang aplikante ay kinakailangang humingi ng application form sa tanggapan ng alkalde, magsumite ng Barangay clearance kung saan naka-address ang establisyemento, paabrubahan at magbayad ng kaukulang bayarin sa Treasurer’s Office at isumite sa Mayor’s Office kapag kompleto na ang mga requirements para magawan ng permit ang establisyementong pagmamay-ari.
Dahil sa BOSS ay napaiksi na ang oras sa pagpo-proseso ng mga dokumento at agarang natatapos ang lahat ng transaksiyon.
Hindi na rin nahihirapan ang lokal na pamahalaan sa pangongolekta ng buwis at iba pang bayarin sa mga lupain at ari-arian ng mga mamamayang nasasakupan nito. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)