Nangangailangan ng limampu’t isang Statistical Researchers at limang Team Supervisors ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa lalawigan ng Romblon para sa gagawing January 2019 Labor Force Survey (LFS) at 2nd visit ng Family Income and Expenditures Survey (FIES).
Sa panayam ng PIA kay Fely F. Miñano, Assistant Statistician ng PSA-Romblon, sinabi nito na unang isasagawa ang Trainor’s Training sa Disyembre 17 – 22 na gaganapin sa Lungsod ng Calapan bago isasagawa naman ang pagsasanay para sa mga matatanggap na Statistical Researchers sa Enero 3 – 8 ng susunod na taon bago mag-umpisa ang survey.
Maliban aniya sa mahigit P400 arawang sweldo ay mayroon ding transportation allowance na P160 kapag within station at P240 naman kung outside station ang assignment ng mga ito.
Ayon pa kay Miñano, ang LFS ay ginagawa kada quarter ng taon na naglalayong alamin ang employment, unemployment at underemployment rate sa pamamagitan ng mga samples.
Ang mga makakalap na datos sa naturang survey ay magsisilbi namang gabay ng mga policy maker sa gobyerno sa kanilang pagbalangkas ng mga programa sa sektor ng pagawa.
Habang ang FIES naman aniya ay ginagawa bawat ikatlong taon pero pinagpaplanuhan na ng pamahalaan na gawin ito taon- taon.
Layunin ng FIES na makakalap ng mga datos patungkol sa sources of income ng mga pamilya at ang kanilang expenditures level.
Dagdag pa ni Miñano, mas magiging kapaki- pakinabang na rin ngayon ang FIES dahil localized na ang resulta nito ngayon at maaari nang makuha ang provincial estimate bunsod ng mas maraming samples na ngayong 2018 kumpara noong huli itong ginawa noong 2015.
Gagawin aniya ang second visit simula sa ika-9 ng Enero 2019 at ang magiging reference period ay mula Hulyo hanggang Disyembre 2018.
Ginawa ang unang pagbisita ng FIES noong Hulyo na may reference period na mula Enero hanggang Hunyo 2018.
Ang magkasabay na survey ay isasagawa sa 13 bayan ng Romblon kung saan 1,538 na household ang respondent o nakatakdang bisitahin ng mga enumerators.
Sa mga nais mag-aplay bilang Statistical Researchers at Team Supervisors ay maaaring magsumite ng application letter at resume o PDS o kaya’y magsadya ng personal sa kanilang tanggapan na matatagpuan sa 2nd Floor, Navarette Building, Bgy. II (Poblacion), Romblon, Romblon o kaya sa PSA Odiongan District Office, 2nd Floor, Rose Petal Suite, Bgy. Dapawan, Odiongan, Romblon. Hanggang sa ika-5 ng Disyembre na lamang ang pagsusumite ng application.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)