Patuloy ang ginagawang paghahanda ng mga mananayaw mula sa San Jose na magiging pambato ng lalawigan ng Romblon sa street dance competition sa darating na MIMAROPA Festival 2018 sa Occidental Mindoro sa November 17, 2018.
Ayon kay Municipal Tourism Officer Leahlyn Pablo, may aabot sa 100 dancers, 25 propsmen, 27 instrumentalist, na nag-eensayo ng kanilang ipapakitang Carabao Festival ng bayan ng San Jose.
Ang Carabao Festival ang nanalo sa isinagawang local street dance competition noong nakaraang taon sa Odiongan kung saan ginanap naman ang MIMAROPA Festival 2017.
November 14 hanggang 18 magaganap ang MIMAROPA Festival 2018 sa bayan ng Mamburao sa Occidental Mindoro.
Nagpasalamat naman si Tourism Officer Pablo sa publiko sa patuloy na suporta sa mga dancers na ilalaban ng Romblon.