Hinahangaan ng ilang mga munisipyo at local government unit ang bayan ng Odiongan sa Romblon at tinatawag na role model municipality dahil sa mabilis na pagasenso ng bayan nitong mga nakarang taon.
Ito ang sinabi ni Mayor Trina Firmalo-Fabic sa ginanap na Ulat sa Bayan 2018 nitong Miyerkules, August 08, sa Odiongan Public Market.
Aniya, sinabi ito ng mga munisipyo ng siya ay magsalita bilang panauhing pandangal sa isang event ng Civil Service Commision kung saan saan nagsalita siya patungkol sa best practices ng munisipyo ng Odiongan sa harap ng nationwide audience.
“Ang naging maganda po doon ay ang naging reaction po ng mga tao, na napakapositibo po na sabi nila ‘na-iinspire sila sa nangyayari at ginagawa dito sa bayan ng Odiongan’,” bahagi ng talumpati ng alkalde sa kanyang Ulat sa Bayan 2018.
“Nakakatuwa po kasi kahit malalaking mga siyudad tulad ng San Pedro, lumapit sa akin, mga munisipyo galing sa Agusan, Mindanao, at iba pang lugar ay lumapit sa akin pagkatapos kung magsalita at sabi nila, gusto nilang gayahin ang mga ginagawa natin dito sa Odiongan,” dagdag pa ng alkalde.
“Sino po ang mag-aakakala na ang isang maliit na munisipyo, sa isang isla sa gitna ng pilipinas ay pwedeng magsilbing inspirasyon at modelo sa ibang local government units,” pagpapatuloy ng alkalde.
Sa huli, pinasalamatan ng alkalde ang mga residente ng bayan ng Odiongan dahil sa pagtutulungan na mapaganda pa ang bayan ng Odiongan.