Ramdam na umano ng Carabao Island ang pagsasara ng Boracay Island ayon sa pahayag ng hepe ng Romblon Provicincial Tourism Office.
Ito mismo ay ayon sa hepe ng Romblon Provicincial Tourism Office na si Kim Anthony Faderon ng maging panauhin sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon nitong Lunes, June 18.
Sinabi ni Faderon na bumaba ang bilang ng mga turistang bumibisita sa Carabao Island simula ng magbawas ng biyahe ang mga airlines patungong Caticlan, gayun na rin ang pagkawala ng mga bisitang nag i-island hopping.
“Right after mag-close si Boracay, humina rin siya, kasi nag close ang mga airlines. Nawala ang entry point, siguro kung hindi nag stop ang eroplano, tuloy-tuloy na may papasok tapos nagmahal rin ang bayad sa mga bangka dahil nabawasan sila ng biyahe,” pahayag ni Faderon.
“Mahina talaga ngayong May, pero noong holy week, malakas talaga, pero humina rin after,” dagdag ni Faderon.
Sinabi rin ni Faderon na karamihan sa mga turista base sa logbook ng Carabao Island ay mga galing ng Odiongan. Tumaas rin umano ang mga tourists na nangagaling ng Santa Fe Port malayo sa bilang ng tourists na nangagaling sa Caticlan Port.
Province’s Tourists Arrival Doubled Compared Last Year
Samantala, dumoble naman ang bilang ng mga turistang bumibista ng iba pang isla ng Romblon kagaya ng Tablas, Romblon, Sibuyan, at Simara.
Sinabi ni Romblon Provicincial Tourism Office Chief Kim Anthony Faderon na kumpara sa halos 35,000 tourists noong January – May noong 2017 tumaas ng halos doble ang mga turistang bumibisita sa buong lalawigan sa unang bahagi ng taong 2018.
Sa datus na hawak ng provincial tourism office, sa Tablas Island at Carabao Island ngayong unang bahagi ng taong 2018 ay nasa 50,000 na ang tourists arrivals na kanilang naitala. Wala pa sa bilang ang datus galing sa isla ng Romblon at Sibuyan.
Malaking bahagi sa pagtaas ng turismo sa lalawigan ang pagdami ng mga cruise ships na dumaraan sa mga isla ng Romblon at Sibuyan para pasyalan ang magagandang tanawin rito. Halimbawa nito ang halos 1,000 mga bisita na dala ng M/S Silver Shadow at M/S Silver Whisper na bumisita sa Romblon nitong unang bahagi ng 2018.
Tourism Department to Focus on Agritourism
Tinitingnan na rin ng Romblon Provicincial Tourism Office ang mga lugar sa lalawigan na pwedeng i-develop para maging Agritourism sites kagaya ng mga magagandang farm sa bayan ng San Andres.
Sinabi ni Romblon Provicincial Tourism Office Chief Kim Anthony Faderon na ang bayan ng San Andres ang nakikita nilang pwedeng maging Agritourism site sa lalawigan dahil magaganda ang farm sa lugar.
Sa nasabing bayan matatagpuan ang Milestone Farmville at ang M.Y. FARM na sikat sa mga turistang Agritourism ang hanap.