Maaring dumaan muna sa kalupaan ng Eastern Visayas at Caraga bukas ng gabi o kaya Martes ng umaga ang nakapasok na low pressure area, ayon sa DOST-Pagasa.
“At ito po ay tatawid palabas ng Sulu Sea kung saan ito posibleng maging bagyo o tropical depression at ito ay tatawagin nating bagyong Agaton,” sabi ni Weather Specialist Ariel Rojas ng DOST-Pagasa, “Si Agaton ay magdadala ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan na maaring madulot ng pagbaha o pagguho ng lupa.”
Subalit, may bahagi ng bansa na inuulan na bago pa dumating ang bagong LPA.
Sinabi nI Rojas na ang tail-end of a cold front ang dahilan ng pag-ulang nararanasan sa Kabisayaan at Kabikulan samantalang ang trough (bahagi ng LPA) ang posibleng magpadala ng kamtamtaman hanggang napakalakas na pag-ulan sa Hilagang Mindanao, Davao region at Caraga.
Sa nakaraang dalawang Pre-Disaster Risk Assessment meeting ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), iniulat ng Department of the Interior and Local Government na nakapag-abiso na ang kagawaran nito sa kanilang pang-rehiyong tanggapan at mga lokal na pamahalaan.
Kasama din sa pulong ng NDRRMC ang mga kinatawan ng ilang mga pangrehiyong tanggapan ng Office of Civil Defense (OCD).
Hinihikayat ng NDRRMC ang publiko na makiisa sa pagmomonitor ng LPA sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga pinakahuling weather forecast ng DOST-Pagasa. (Lyndon Plantilla/PIA-Mimaropa)