Pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ang mga programa para sa agrikultura at pangisdaan upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga pamilya at mapataas ang produksyon sa lalawigan.
Sa ginanap na Provincial Product Accounts (PPA) Dissemination Forum ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong October 13, 2026, sinabi ni Provincial Planning and Development Coordinator EnP. Willard Mortos na direktang nakaaapekto sa kalagayan ng mga sambahayan sa Romblon ang pagbabago sa produksyon ng agrikultura at pangisdaan.
Ayon kay Mortos, malaking bahagi ng mga pamilya sa lalawigan ang umaasa sa agrikultura at pangingisda para sa kanilang pang-araw-araw na kita. Dahil dito, ang pagbaba ng ani at huli ay nakaaapekto sa kakayahan ng mga pamilya na matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Binigyang-diin din niya ang kawalan ng interes ng ilang kabataan sa pagsasaka, na aniya ay isa sa mga dahilan ng paghina ng produksyon. Dagdag pa niya, hamon din ang kakulangan ng naitatalang datos sa produksyon, lalo na sa sektor ng pangisdaan, dahil hindi lahat ng Municipal Agriculture Office (MAO) ay may sapat na impormasyong maibigay.
Sa ilalim ng Provincial Investment Plan para sa 2027 na nagkakahalaga ng ₱2.2 bilyon, kabilang sa mga hakbang na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang modernisasyon ng pagsasaka sa pamamagitan ng mechanization, pagpapalawak ng mga alternatibong pananim at pagpapabuti ng mga pasilidad na ginagamit sa pagdadala ng mga produktong agrikultural sa pamilihan.
Kabilang sa mga programa ang pamamahagi ng mga four-wheel-drive tractor at combine harvester sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) mechanization program. Mayroon ding ₱3 milyong operational fund para sa Romblon Agriculture and Fisheries Extension Center sa Calatrava na naglalayong magsanay ng mga kooperatiba sa makabagong teknolohiya sa pagsasaka.
Ayon kay Mortos, tinututukan din ng Office of the Provincial Agriculturist ang crop diversification upang magkaroon ng alternatibong pinagkukunan ng kita ang mga magsasaka at maiwasan ang pagdepende sa iisang pananim.
Kasama rin sa mga hakbang ang pagtatayo ng farm-to-market roads na nagkakahalaga ng ₱15 milyon bawat proyekto sa mga pangunahing agricultural corridor, kabilang ang Victoria at Agpudlos sa San Andres, Magsaysay sa Santa Fe, at Manhan sa Looc.
Layunin nitong mapadali at mapababa ang gastos sa paghahatid ng mga produkto mula sa mga sakahan patungo sa mga pamilihan.
Bukod sa pagpapalakas ng produksyon, hiniling din niya sa mga lokal na pamahalaan na ituon ang mga available na pondo sa post-harvest facilities, municipal cold storage at mga sistemang patubig. Hinimok din niya ang sektor ng negosyo na mamuhunan sa mga pasilidad sa pagproseso at distribusyon ng mga produktong lokal.
Binigyang-diin ni Mortos na ang 3.3 porsiyentong paglago ng ekonomiya ng Romblon noong 2025 ay dapat magsilbing paalala na kailangang higit pang palakasin ang mga sektor na direktang pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming pamilya sa lalawigan.

























