Nanguna ang bayan ng Alcantara sa online public voting para sa titulong Best Destination in Romblon, matapos makakuha ng 19.3 porsiyento ng kabuuang boto, ayon sa inilabas na opisyal na resulta ng Trip Travel and Tours Agency at Q Asia Publication.
Pumangalawa sa botohan ang San Jose na nakakuha ng 13.2 porsiyento, habang pumangatlo naman ang Magdiwang na may 10.5 porsiyento.
Layunin ng kampanya na itampok ang magagandang tanawin, mayamang pamana at kultura, at mga komunidad na bumubuo sa mga destinasyon ng lalawigan ng Romblon.
Sa kanilang pahayag, pinasalamatan ng mga organizer ang lahat ng lumahok sa botohan at patuloy na sumusuporta sa lokal na turismo.
Binigyang-diin ng mga organizer ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng mga residente, lokal na negosyo at iba pang sektor upang higit na maisulong ang turismo at maipakilala ang mga natatanging lugar sa lalawigan.
Umaasa rin silang mahihikayat ang mas maraming turista na tuklasin ang iba’t ibang destinasyon sa Romblon at makatulong sa pagpapalago ng mga lokal na negosyo at kabuhayan.


























