Arestado nitong Huwebes ang isang Romblomanong nagtatrabaho bilang driver ng isang station commander ng Quezon City Police District (QCPD) dahil umano sa pangingikil ng pera kapalit sa pagbaba ng kaso laban sa isang suspek na sangkot sa iligal na droga.
Kinilala ng Counter-Intelligence Task Force (CITF) ang suspek bilang si Joseph Ruallo, driver ni QCPD Station 5 commander Supt. Bobby Glen Ganipac. Si Ruallo ay tubong Magdiwang, Romblon.
Ayon sa CITF, si Ruallo umano ang inutusan ng ilang miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na makipagnegosasyon sa mga magulang ng isang drug suspect.
Humingi umano ng P50,000 si Ruallo para mapababa ang kaso ng suspek, pero natawaran ito at bumaba sa P15,000.
Dinakip ang driver matapos na tanggapin ang marked money mula sa mga magulang ng suspek.
Kinilala naman ni Quezon City Police District director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang mga pulis na kasabwat umano ni Ruallo bilang sina SPO3 Marlo Sammy, PO3 Henry Tingle, at PO1 Marlon Fajardo. Pansamantala silang tinanggal sa puwesto at inilapat sa holding unit habang iniimbestigahan.
Na-relieve din mula sa puwesto si QCPD-5 chief Ganipac dahil sa isyu ng command responsibility. – with reports from ABS CBN News and GMA News
{googleads center}