Kinakailangan muna sigurong pag-isipan at higit sa lahat ay pag-aralang mabuti ang ibinigay na panukala ni Pangulong Duterte na armasan ang mga sibilyan para makatuwang ng mga sundalo at pulis sa ginagawa nilang pagtugis at pagpuksa sa bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).
Bagama’t hindi natin masisisi ang ating gobyerno kung nakakaramdam man ito ng kabiguan o frustration ukol sa matagal ng problema sa Abu Sayyaf. Subalit ang pag-aarmas sa mga sibilyan para makipaglaban sa bandidong grupo ay isang maselan na usapin.
Mayroong kasabihan na hindi masu-solusyunan ng problema ang isa pang problema. Ang ibig sabihin lamang nito, kung ang problema natin ay ang mga bandidong grupo–ang pagkakaloob ng armas sa mga sibilyan ay maaaring hindi maging solusyon.
Maaari itong lumikha ng mas malalim pang problema. Kapag ang isang sibilyan ay binigyan mo ng armas, nag-iiba ang timplada nito. Ang ibig sabihin, sa hindi maiiwasan, nanghihiram ito ng tapang o lakas ng loob sa pamamagitan ng kanyang baril.
Kaya masasabi natin na may ilan diyan ang matapang lang dahil mayroon silang bitbit na baril. Pero subukan mong tanggalin ang kanilang armas, tignan lang natin kung ganoon pa rin sila katapang. Parang mga basang sisiw at parang mga maamong tupa.
Sa madaling salita, puwedeng umabuso ang ilang sibilyan kapag binigyan sila ng baril o kaya naman ay pinahintulutan sila ng gobyerno na mag-bitbit nito sapagkat sa ayaw at sa gusto natin, nag-iiba ang asta ng isang tao o yumayabang ito kapag may naka-sukbit na baril.
Kung atin pang matatandaan, may ilang kaso ng pang-aabuso na kinasasangkutan ng binuwag na Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang naitala ng Commission on Human Rights (CHR).
May ilang kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang kinasangkutan ng ilang miyembro ng CAFGU kabilang na dito ang pagpatay, pagnanakaw at panghahalay sa mga kababaihan.
Ang nangyayari kasi, mas matapang pa kesa sa totoong sundalo ang isang sibilyan kapag nakahawak ng baril-para bang isang langaw na nakatuntong sa kalabaw, ang pakiramdam niya eh langaw narin siya. Para bang mas malaki pa sa kanya ang kanyang kayabangan.
Hindi dapat magpadalos-dalos ang gobyerno sa pagde-desisyon sa tungkol sa bagay na ito. Dahil kung hindi pag-iisapan at pag-aaralang mabuti ng gobyerno ang isyung ito. Sa halip na makabuo ng isang solusyon laban sa Abu Sayyaf baka ang mangyari pa eh, para lang tayong dumampot ng bato at ipinukpok sa ating sariling mga ulo. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)