Habang marami sa mga Pilipino ang nangagsidalo sa mga pagtitipong isinagawa upang buhayin sa dambana ng gunita ang ika-31 taong anibersaryo ng EDSA People Power sa mga pangunahing lungsod ng Pilipinas, idinaos din sa iba’t ibang parte ng bansa ang sabayang chapter elections ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Ang IBP ay ang pambansang organisasyon ng mga abogado sa Pilipinas, lahat ng Pilipinong manananggol ay naatasang maging kasapi nito. Sa buong bansa, ang Quezon City Chapter ng IBP ay ang siyang pinakamalaki ang bilang ng kasapi.
Noong Sabado habang ang mga milenyal sa Kamaynilaan ay nagsipagkumpol sa paligid ng People Power Monument sa EDSA corner White Plains at ang mga kapanalig ng kasalukuyang pamahalaan ay inihatid ng mga sasakyang pula ang plaka sa Luneta, iprinoklama naman ang mga nanalong mga kandidatong mamumuno sa hanay ng mga abogado.
Sa Quezon City chapter ng IBP, na kinabibilangan ng maraming mahistrado ng Korte Suprema at mga hukom ng iba’t ibang korte sa bansa, isang Romblomanon ang iniluklok ng mga kapwa abogado bilang maging kanilang tagapangulo – si Atty. Dominic Solis.
Si Atty. Dom ay ipinanganak sa Romblon, Romblon ng mag-asawang Judge Cesar Solis at Lily Montaña, at nagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang kanyang maybahay ay kasalukuyang Clerk of Court ng ika-7 dibisyon ng Sandiganbayan.
Halos sampung taon na rin itong nagsilbi sa IBP sa iba’t ibang katungkulan, ang pinakahuli ay bilang National Director ng Committee on Bar Discipline na siyang tagapagdinig ng mga hablang naglalayong linisin ang hanay ng mga manananggol sa paraan ng pagpataw ng angkop na parusa hanggang disbarment.
Sa lamang na mahigit 200 boto, isa sa pinakamalaking kalamangan sa kasaysayan ng IBP-QC, tinalo ni Atty. Solis ang abogadong si Atty. Boni Tacardon. Opo, tama po kayo.
Ang huli ay ang siyang abogado ni Senador Leila De Lima sa mga kasong isinampa laban sa senadora ng Department of Justice dahil sa umano’y alegasyon ng pagkakasangkot nito sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa.
Tatlumpu’t isang taon na nga mula nang sabayang mag-aklas ang mamamayan laban sa mapaniil na diktaduryang Marcos.
Dahil sa People Power, naging batayan tayo ng mundo sa mapayapang pagkilos laban sa naghaharing uri at kaakibat na panunupil ng mga karapatang pantao. Nakakalungkot lamang na, matapos ang tatlong dekada, tila hindi pa rin tayo natututo.
Anyare’t bakit ang panawagan noon ay siya pa rin nating isinisigaw ngayon? Anyare mga kababayan? Anyare sa kolektibong memorya ng bayan? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)