Tatlongdaan na indigent senior citizens mula sa iba’t-ibang barangay ng Magdiwang, Romblon ang tumanggap ng kanilang social pension mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa 300 additional new social pensioners ay idinaos sa covered court ng Magdiwang public plaza.
Ang pension na tinanggap ng mga senior citizen na P1,500 bawat isa ay para sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre ng nakaraang taon.
Ayon sa tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development ng naturang bayan, nasa 920 na ang bilang ng mga maralitang nakatatanda na kanilang pinagkakalooban ng ayuda at target nilang madagdagan pa ito ng 300 ngayong 2017.
Labis-labis naman ang pasasalamat ng mga senior citizen sa programang ito ng nasyunal na pamahalaan.
Malaki anila ang naitutulong ng pensiyon sa kanilang pang-araw araw na gastusin gaya ng pambili ng gamot at pagkain.
Ang pamahalaang bayan ng Magdiwang katuwang ang Office of Senior Citizen Affairs ay patuloy namang nag-iisip ng iba pang mga programa para sa mga senior citizen upang mas mabigyan ng kaginhawahan ang buhay ng mga ito.