Maraming sektor ang umaalma; kadalasan ay ang mga nagmumula sa cause-oriented groups at mga grupong nagtutulak ng adbokasiya para sa karapatang pantao o human rights.
Ngayon, may umuusbong na bagong sektor na ganito rin ang sentimyento sa bagong pangasiwaan: ang mga pamilya ng mga napaslang, mga nangahilakbot at lubhang naapektuhan ng matapang na pagpapairal ng mga polisiyang nakalatag na noon pa man sa ilalim ng batas.
Malaking bahagi pa nga sa mga ito ay nagmumula sa hanay ng pinaka-rabid supporters ng bagong pangulo noong halalan.
Ganunpaman, hindi na dapat ikinagugulat ng bansa ang mga alituntuning radikal na ipinatutupad sa ilalim ng pangangasiwa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasama ang paraan ng “kamay na bakal” laban sa iligal na droga at korupsyon sa kanyang halos araw-araw na ipinangako sa publiko noong kampanya pa lamang.
Naging babala na sana ito sa mga sektor na ngayo’y nagdudumaing sa tila gulpi-de-gulat na paraan nng pangangasiwa.
Halimbawa na lamang ang death penalty bill na nagpapanukalang muling buhayin ang parusang kamatayan na ipinasa na ng mababang kapulungan ng Kongreso noong nagdaang linggo
Isa ito sa mga itinulak ni Pangulong Digong noong kampanya, sampu ng marami pang ibang mga panukala upang isaayos ang lagay ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Si Leo Echagaray–naalala pa ninyo marahil ang pangalang ito na siyang naging poster boy ng mga nakitilan ng buhay dahil sa opisyal na mando ng estado.
Binawian ng buhay, hindi dahil sa natural na kadahilanan kundi dahil sa ginawad na hatol at parusa ng hukuman bilang kasangkapan ng estado na protektahan ang sarili nitong mga mamamayan laban sa kriminalidad.
Ngunit noong panahon ni GMA, biglang nawala sa hanay ng itinatadhanang mga parusa sa ilalim ng batas ang parusang kamatayan. Sampu ng maraming dahilan, umano’y anti-poor ang nasabing parusa at tanging mahihirap na hindi makakuha ng serbisyo ng magagaling na abogado ang nahahatulang mamatay sa atas ng batas.
Dalawa ang ikanga’y schools of thought sa usaping ito: na ang parusang bitay ay ini-lift lamang ni GMA at nangangahulugang hindi kailangan ng amyenda sa batas o bagong batas, at ang pangalwa, ay kailangang magpasa ng Kongreso ng batas upang amyendahan ang ksalukuyang umiiral na kalakaran dito.
Ayon sa mga nagtutulak ng parusang bitay, bilang pagtalima sa kahilingan ng pangulo, kailangan ng bagong batas upang ipasok ang iba pang mga uri ng paglabag o offenses na siya na ngang ginawa ng kamara.
Marahil dapat nating alalahanin na ang parusang bitay ay isinusulong, at sinusuportahan maging ng mga noon ay matitigas na anti-death penalty advocates, dahil kailangang magpakita ng suporta sa pangulo sa kanyang gyera kontra droga.
Ngunit, nasa paraan ng amyenda sa mga umiiral na polisiya ang peligro o danger – death penalty man ito o maging ang pagsusog sa saligang batas: it can go wild.
Nabubuksan kasi maging ang mga hindi dapat ginagalaw na polisiya. Maging ang ibang paglabag o offenses, kung susundan ang bersyon ng kamara ay sasakupin ng kaparusahan. Anything goes, ika nga.
Kung bitay para sa mga tulak ng droga at iba pang drug offenses ang ipinangako ng pangulo noong kampanya, sana’y ang ibang mga paglabag ay hindi na isinama.
Sa murder na lamang. Kung ito ay isinagawa kasangkot ang droga o dahil sa paggamit nito, o bilang resulta ng iligal na kalakalan dito: bitay. Bitay para sa droga at droga lamang. Sa kabilang banda, kailangan pa ba lalo pat, kabi-kabila na ang nangatumba? Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)