Kaliwat kanan ang party ngayon. Panahon ng taon na ngangahulugan ng bonus para sa mga obrero at shopping naman ang katumbas nito para sa mga pamilyang umaasa sa kanila. Marami ang ikanga’y “awash with cash.” Tuwang-tuwa naman ang mga negosyante dahil masigla ang kalakalan.
Ngunit sa kabilang banda, marami ding nangangailangan. Marami ang gagawa ng paraan, makasakit o maka-perwisyo man. Kaya’t wag kaliligtaan ang halaga ng ibayong pag-iingat dahil hindi maiaalis ang pananamantala ng mga dorobo at yaong may isyu sa batas at lipunan.
Maraming kinakaharap na giyera ang pamahalaan. Ang mga kaaway na ito ang may motibasyong manamantala sa kalituhan. Sa ganang akin, sa panahong ito, maliban sa AFP at PNP, nasa frontline din ang DOTr.
Tila nilulusob ng mga sasakyan ang kamaynilaan. Ang sabihing pasakit ito sa ulo ng mga napag-utusan natin sa pamahalaan ay isang understatement. Hindi lamang trafik ang problema ng DOTr, dapat nating alalahanin.
Bagamat nalampasan na ng ahensya ang tanim-bala, paminsan-minsa’y may umuusbong na usapin sa mga paliparan. Delayed ang flight, patung-patong na booking, at mga abalang may kaugnayan sa “book-now pay-later” na iskema ng ilang budget airlines sa bansa.
Sa bandang pier at mga daungan, hindi lamang overloading ang problema. Alalahanin nating marami sa mga pampasaherong barko na naglalayag sa ating mga karagatan ay mga antigo at mga pinaglumaan na ng ibang bansa. Kung hindi ito pagtutuunan, malamang dito na naman tayo mabubutasan.
Nandyan din ang banta sa seguridad ng mga barkong pumapalaot pauwi ng mga probinsya at pabalik ng kamaynilaan. Maaalala na noong Pebrero 2004, pinalubog ng isang pagsabog ang Superferry 14 na kumitil sa halos isandaang katao. Kalauna’y napagtanto sa mga imbestigasyon na Abu Sayaff ang may kagagawan ng terorismong ito.
Batbat ng giyera sa maraming larangan ang pamahalaan. Kung kukurap ang gobyerno, ano ang sasapiting rimarim ng mamamayang umaasa dito. Malaking hamon ito sa pamunuan ng ng mga maykapangyarihan ng DOTr at ng Philippine Coast Guard.
Kaya kung ako ang nasa kalagayan ng mga kritiko ng kasalukuyang pamunuan ng nasabing ahensya, lubayan nyo na muna ang mama. Sa dami ng mga usaping inaatupag nito at sa gitna ng mga pangangailangang dapat tugunan, marapat lamang na suporta at hindi walang kapararakang tira-birada ang itutukod natin sa kanila.
Pagtrabahuin na muna natin ang gobyerno. Awat muna, pasko naman. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)