Mahigpit nang ipinatutupad sa bayan ng Magdiwang ang Municipal Ordinance No. 03 S. 2011 or “Prohibiting the Use of Plastic Bags” kung saan mayroon nang ilang nasampolan at pinagmulta ng P500 sa unang paglabag.
Ipinaiiral din sa naturang bayan ang segregation o paghihiwalay ng mga basura sa nabubulok at di nabubulok bago ito kolektahin ng garbage truck.
Ang tamang waste segregation na ipinatutupad sa naturang bayan ay naglalayong makamit ang malinis at ligtas na kapaligiran.
Hinihimok ng pamahalaang bayan ng Magdiwang ang lahat ng mga barangay officials na ituro sa lahat ng mga residente sa kanilang nasasakupang barangay ang tamang pagtatapon ng basura.
Dapat din aniyang maituro sa mga publiko ang composting at recyling upang maiwasan ang pagtambak ng mga basura sa kanilang mga kabahayan.
Hinihikayat din ang siyam nitong barangay na magtayo o magkaroon ng Material Recovery Facility (MRF) upang matuldukan na ang problema sa basura.