Sa gitna ng pamamayagpag ng kalituhan at paglipana ng kargadong opinyon dahil sa magkakasunod na pangyayari sa pangangasiwa at pandaigdigang relasyon ng ating bansa, panahon na upang pumagitna at marinig – hindi ang mga pantas sa usaping diplomatiko at pulitika na kadalasa’y batbat ng emosyon at pagkakampi-kampi kundi ang saloobin ng obhektibong tagamasid na magpapahayag ng maliwanag na katwiran at makatwirang paliwanag.
Hindi ito madadaan sa mainitang pagtatalo at pamamayani ng nakakabinging tinig sa pelikula gaya ng ‘Heneral Luna’ kung saan binitiwan ng pamosong bayani ang mga katagang “pumili ka: bayan o sarili!” Hindi ganun kasimple ang pagkalas sa Amerika.
Sa kasalukuyang diskursong publiko, at pihadong sasang-ayon ang marami, hindi lang ilang beses narinig o nabasa ngayon ang pagpapanindigan sa pamiliang, “Spam, o MaLing; saan ka?”
Hindi kailangan mamili kundi mas makatwiran kung palalawakin ang pag-iisip para di malagay sa balag ng alanganin ang mga Pilipino nasa labas ng bansa.
Tila sapilitan at agarang pagpapatiyak sa kapayakan ng dalawang pagpipilian, samantalang napakasalimuot ng usapin at malaki ang implikasyon sakaling alinman sa dalawa ang tuluyang mapagdesisyunan. Huwag gano’n!
Una, ang larong internasyunal ay komplikado at kadalasa’y nakabatay sa “trust and confidence” o tiwalaan, pagtutupad ng mga pangako, at pagbuo ng pangmatagalang ugnayan na nakabatay sa pagkakaintindihan at paggalang sa kultura ng isa’t isa.
Pangalawa, hindi ito parang kasal. Diplomacy is a game of the polygamous. Dito, hindi lang iisa ang kaisang dibdib dahil mas maraming tagahanga, kaulayaw o ‘kabit’ – mas makakabuti; sa seguridad man at kaligtasan, sa kalakalan ekonomiya at kabuhayan.
Speaking of ekonomiya at kalakalan–$26 bilyon na pautang ang inuwi ng ating tropa sa pangunguna ng Pangulo galing Beijing, sa bansang Tsina. Kumakatawan ito sa laki ng mga ipinangakong tulong-pinansyal na nakapaloob sa loan package na pinagkasunduan ng magkabilang panig.
Napakalaking gana at pakinabang. Nakakabilib ang malapantas na kumpas ng pamunuan. Take note, mga kapatid, kapamilya at kapuso: kasunduan pa lamang ito at ang operative word ay “loan” o utang. Kailangang bayaran at, kung ito’y ituturing na pamumuhunan, patutubuan. Sa madaling salita, laway pa lang!
Kung lalalim pa ng husto ang relasyong Pi-Chi ay kailangang lampasan ng dalawang bansa ang retorika, verbo at letra sa lebel ng kasunduan at agarang simulan ang pagsasakatuparan o implementasyon ng mga bilateral agreements na ito.
Habang ang buhay ng bansa ay umiinog sa paligid ng mga pamumuhunang ito, sana’y hindi makabigat sa ating lahat at mas maalwang buhay ang ihatid nitong epekto sa atin.
Nasa Pi-Chi na rin naman ang usapan noong malaman nating bibiyahe ang pangulo at ang kanyang pamunuan papuntang Tsina, umasa tayong tiyak na pag-uusapan ang “law and order,” partikular na ang droga.
Dahil agad na sumunod sa tropa natin sa Beijing si PNP Chief Ronald Dela Rosa, umasa tayong may maiuuwi rin silang bagong kasunduan hinggil sa law enforcement.
Bilang hakbang o ‘goodwill’ effort upang lalo pang palalimin ang ugnayang Pi-Chi, wala bang pangako man lamang ang Beijing na agad nilang pipigilan doon pa lamang ang gabahang pagragasa ng shabu?
Hindi lang yan, wala bang aksyon ang Chinese government kung paano pipigilan ang pagpasok ng mga kagamitang panluto, kemikal at mga Tsinong kemiko na tumatao sa mga tagong laboratoryo dito? Kayat malaking tanong kung seryoso nga ba ang mga Tsino na tumulong sa drug campaign ng gobyerno. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko pero mas madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)