Kalagitnaan ng Agosto pa ng taong kasalukuyan nang masaksihan ng bansa ang harap-harapang panggagalaiti ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte sa walang puknat na korupsyon at katiwalian sa burukrasya sa kabila ng mabibigat na salitang binitiwan ng punong ehekutibo laban dito.
Apparently, may mga kaibigang negosyante sa Cagayan de Oro na nagsumbong sa kanya. Special mention sa litanyang ito ang dalawang ahensya sa ilalim ng pinanipis na DOTr – ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Boatd (LTFRB).
Sa tindi ng kanyang pagkakapundi agaran niyang pinagbitiw sa pwesto ang lahat ng presidential appointees ng nakaraang administrasyon. Curiously, ang nakaupo sa tuktok ng dalawang ahensyang nabanggit ay ang pangulo mismo ang nagtalaga.
Sadyang may mga pinunong hindi maiwaksi ang nakaugalian nang pasimplehang pakupit-kupit, lalo na kapag napagtatanto nilang sila ay malayo sa central office at under the radar. Either that or sadyang mahina sa komunikasyon at hindi gaanong naipapaintindi sa kanilang mga kliyenteng publiko ang detalye ng mga patakarang ipinatutupad. Sana nga’y ang huli ang tama at hindi ang matiwaling gawa.
Halimbawa: sa mga island municipalities sa lalawigan ng Romblon. Maraming natuwa sa inisyatibo ng LTO na pagpapadala ng mga tauhan sa Romblon, Sibuyan, Corcuera at Banton upang tumanggap ng mga aplikasyon sa bagong lisensya at renewal ng drivers license.
Commendable nga naman dahil ito ang paraan upang mailapit ng husto ang pangangasiwa sa publikong nangangailangan ng serbisyo ng gobyerno.
Ngunit ano itong alingasaw na naamoy ng U_Spy mula sa ating tenga’t mata sa DOTr? Ikatutuwa kaya ito ni Pangulong Digong?
Aba eh may dagdag na singil ang LTO sa mga nagri-renew ng vehicle registration at driver’s license kapag sila ay nagsasagawa ng mobile services sa mga islang bayan.
Hindi lamang magkasalungat o may discrepancy ang presyo sa official receipt na kanilang ini-issue kung ikukumpara sa temporary receipt na kanilang unang ibinibigay sa kawawang kliyenteng tsuper.
“Mobile service” ba talaga ito o “ma-bilbil services” dahil bumubukol sa patong na presyo ng minandatong serbisyo?
Buti sana kung kakapiranggot lamang. P157.30 ang diprensya sa una at opisyal na resibo kapag professional license. Mahigit dalawangdaan naman ang “bilbil” kapag student permit ang inaplayan.
Mahina na ang 250 applicants sa kabiserang bayan pa lamang. Lumulobo pa ang bilbil dahil sinasabayan ng oplan at hulihan ang singilan.
Umaaray na ang mga motorista sa apat na munisipyong nabanggit. Imbes na palakpak, dumaraing sa dagdag na bayarin ang mga ito kapag sila ay nagpaproseso ng vehicle registration at driver’s license sa Mobile Services na ginagawa ng LTO sa mga island municipalities.
Masusi nating binusisi mula sa ating U_Spy na siyang nagpalipad-sumbong ng istilong ito. Tinanong natin kung ano ang dahilan ng LTO sa dagdag-pasaning hindi naman reflected sa opisyal na resibo. Habang naghihintay ng iba pang kasagutan, dalawang (2) picture ng ebidensya ang bumuluga sa U_Spy.
Kaya naman pala. Paano nga namang hindi bumilbil ang singil, e sa mga nagpaparehistro o nagri-renew ng sasakyan at nag-aaplay ng driver’s license ipinapatong ang gastusin sa travel ng mga LTO personnel na nagtutungo sa apat na bayan upang aplikasyon nila’y maproseso. Tandaan: Man is a political animal! (Twitter: follow@dspyrey)