Labing-apat ang nasawi, 67 ang sugatan; pero hindi sa mga numerong yan nagtatapos ang epekto ng rimarim at pagpapasabog na nangyari sa Davao, pasado alas-10:00, Biyernes ng gabi.
Maraming negosyo ang nagsara, maraming buhay ang tumigil uminog pansamantala; ilang bilyon ang patuloy na nawawala sa kalakalan at ekonomiya; mas malaki ang ikanga’y ‘intangibles’ – hindi matutumbasan ng bilang o halaga.
Ano ba namang klase ng ispiritu itong sumanib sa iba nating mga kababayan? Sinakluban yata ng sandosenang demonyo’t kalahati-aba’y imbes na makiramay sa mga Dabawenyo– “karma yan” at “kala ko ba peaceful dyan” ang komento sa social media.
Walang bengga o katumbas na kabayaran ang takot na ipinaghahari ng gawaing ganito; wala ring pulitika sa terorismo. Nasa likod na po natin ang buwan ng Mayo. Usad na po tayo mga kababayan, move on!
Jueteng-gate kay Erap. Kudeta at Oakwood mutiny kay Gloria. Luneta seige kay PNoy. Kanya-kanyang panahon, sari-sariling bersyon.
Sa punto de bista ng pangangasiwa, tila ito ang nagsilbing ‘baptism of fire’ ng pamunuan ni Pangulong Digong. Panggising ika nga sa mga kampante at inaantok sa gobyerno at burukrasya. Totoo nga talagang napakalaki ng responsibilidad na naka-atang sa pamamahalang ating ipinagkakatiwala.
Lalo na ngayong samu’t sari na’y iba’t iba pa ang digmaan nating idineklara at nakakasa. Giyera sa ekonomiya, laban sa iligal na droga, kontra terorismo, banta ng kamangmangan, hamon ng kaliwa, mapag-aklas na kanan, anay sa pamahalaan at umaasang mamamayan.
Kapag bahagi ka ng gobyerno, sala sa init at lamig ang lahat mong hakbang. Ikaw man ay opisyal sa isang ahensya o ano pa mang kagawaran, tunay ngang ga-lubid ang araw-gabi mong tinatahak at nilalakaran.
Sa pamamahalang lokal, tama ang hakbang ni Mayor Sara Duterte at ng mga Dabawenyo noong Sabado. Matapos makiramay sa kaanak ng mga nasawi at saklolohan ang mga apektado, misa’t padasal ang pinangunahan ng mga namumuno. Binuksan ang Roxas Night Market, hinimok ang mga may-aring magbalik-negosyo at nagpaanyayang tangkilikin ang kalakalan doon sa mismong ground zero.
Namamayagpag ang terorismo kapag hinahayaan nating gapiin tayo ng takot. Ginaganahang maghasik ng lagim ang mga ‘yan kapag tumigil tayong mamuhay ng normal at patuloy tayong papasupil sa bantang hilakbot.
Mano kayang pagyamanin na lamang natin ang magkatulad nating kalinangan? Mano kayang mamuhay na lamang tayong payapa at palakasin na lamang natin ang kagandahan ng bansang magkakaiba man ang pananampalataya’y Diyos na sinasamba at pinamumugarang inang-bayan nama’y iisa?
May kasabihan tayong akma at napapanahon: ang sakit ng kalingkingan, dama ng buong katawan.
Sa aming mga kababayang Dabawenyo, mula sa mga taga-Romblon, tanggapin ninyo ang aming pakikiramay at pakikiisa sa pagkondena sa walang kapararakang terorismo at walang patutunguhang pagkamuhi sa isa’t-isa dahil lamang sa magkakaiba nating kultura, prinsipyo at paniniwala.
Laban Davao; Bangon Mindanao. Diyos naming mahabagin, ang mahal naming Pilipinas inyo nawang kasihan. Tandaan: Man is a political animal! (Follow on Twitter: @dspyrey)