Muli na namang binisita ang Romblon ng isang grupong Pranses (French) ngayong July 19-21, 2016 para sa kanilang taunang Solidarity Tour. Ang tour group aybinubuo ng mga batang Pranses na may edad 14 hanggang 20 years old na sumailalim sa isang community immersion para mas mapalago ang pagkakakilala nila sa kaugalian at tradisyong Pilipino.
Ngayong taon, napili nilang tulungan ang Paulino Fetalino Fabon Sr. Memorial School sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon. Namigay sila ng mga sports equipment tulad ng table tennis racket, badminton racket, baseball at bolang pang-basketball at volleyball.
Nakipaglaro rin sila sa mga bata at tinuruan ang mga ito ng wikang Pranses at tradisyunal na sayaw.
Hindi rin nila pinaglagpas na hindi makita ang ilan sa mga sikat na destinasyon sa Tablas Island. Namangha sila sa ganda ng mga puting buhangin sa Binucot Beach at sa dami ng isda, corals, starfish at clams sa Looc Bay Fish Refuge and Marine Sanctuary. Nagkaroon rin sila ng pagkakataon na makita ang lokal na bersyon ng Eiffel Tower sa Looc; makikita sa mukha nila ang tuwa nang matanaw ito.
Isang bonfire party rin ang isinagawa sa Barangay Gabawan para makilala rin nila ang mga batang kaedaran nila. Ang mga bisita ay inalayaan ng awiting OPM at handa rin silang nakipagkulitan sa mga batang galing sa nasabing barangay. Nagkaroon rin sila ng pagkakataong makadaupang palad ang may-ari ng isang French restaurant sa Odiongan, ang Maeva’s Delice.
Ang tour na ito ay binuo ng Le Zebre (travel agency sa France) at Fun Pacific Star (local travel agency ng Le Zebre sa Pilipinas) sa pakikipagtulungan sa Office of the Governor at Provincial Tourism Office, pati na rin sa local na mga barangay at elementary school officials. Isang grupo pa ang inaasahang dadalhin ng Le Zebre ngayong Agosto sa Tablas Island.