Mahigit sa 70 na drug peronality sa bayan ng Cajidiocan ang sabay-sabay na nakipagpulong kay Cajidiocan Mayor Nicasio Ramos at sa mga tauhan ng Barangay Anti-Drugs Abuse Councils, at Cajidiocan Municipal Police Station kahapon ng hapon, July 06.
Ayon kay Police Inspector Edwin Bautista ng Cajidiocan MPS, ang sabay-sabay na pagsuko at paglapit ng mga sangkot sa paggamit at pagbenta ng iligal na druga sa bayan ay bahagi ng kanilang kampanya ng Operation Tokhang na bahagi ng layunin ng Gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag pa ni Bautista, simula pa ng July 01 ay sinimulan na nilang mag-ikot sa mga barangay upang kausapin ang mga alam nilang personalidad na sangkot sa paggamit at pagbenta ng iligal na droga lalo na ang shabu.
Sinabi ni Mayor Ramos na handang tulungan ng Municipal Social Welfare and Development Office ang mga gustong sumukong user at pusher ng shabu.
Matapos ang kanilang pagpupulong, boluntaryong sumuko ang halos lahat sa kanila at pumirma sa isang Affidavit of Undertaking.
Nakasulat sa Affidavit of Undertaking na ang mga pipirma ay dapat hindi na masasangkot sa kahit anong aktibidad na sangkot ang iligal na droga.
Kasamang pumirma sa Affidavit of Undertaking ang walo sa Top 10 drug personality ng bayan.
Kung mapapatunayan naman na sinuway nila ang mga nakasaad sa nasabing affidavit, maari silang maging subject ng iba’t ibang buy bust operations, at search warrants.
Sa news release ng Cajidiocan MPS, ipinangako nilang hindi titigil ang kapulisan sa bayan upang masugpo ang mga ito.