Pinalalakas ng Romblon State University (RSU) ang mga programa nito para sa mga bata at pamilya sa pamamagitan ng bagong partnership sa Rotary Club of Manila Binondo Prime.
Nilagdaan nina RSU President Dr. Merian P. Catajay-Mani at Rotary Club of Manila Binondo Prime Creating President Vilma Morato-Lim ang kasunduan para sa kanilang pagtutulungan sa pagpapatupad ng mga programa ng Family Empowerment Center (FEC).
Nasaksihan ang paglagda nina Maria Josefa O. Punongbayan, Focal Person ng Project PAG-IBIG, at Rhowel Velasco, succeeding president ng Rotary Club of Manila Binondo Prime.
Sa ilalim ng partnership, pagtutulungan ng RSU at Rotary Manila Binondo Prime na palakasin ang tatlong pangunahing haligi ng Family Empowerment Center—Child Care, Parent Care at University Care.
Ang FEC ay nagsisilbing university-affiliated hub na nagbibigay ng suporta sa mga bata, magulang, student-parents, solo parents, university personnel at vulnerable families.
Sa ilalim ng Child Care, susuportahan ng Rotary Manila Binondo Prime ang mga learning session, reading activities, play-based engagement, arts, values formation at iba pang developmental activities para sa mga bata.
Magbibigay rin ang organisasyon ng suporta para sa kalusugan at kapakanan ng mga bata sa pamamagitan ng pagkakaloob ng hot meals sa loob ng anim na buwan sa ilalim ng programang “An HOUR with the Kids,” isang engagement activity para sa mga bata at magulang ng Family Empowerment Center.
Saklaw din ng partnership ang Parent Care, kung saan magsasagawa ang RSU at Rotary ng mga aktibidad na nakatuon sa parenting at family strengthening, financial literacy, livelihood orientation, entrepreneurship awareness, leadership, mentoring at personal development.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si President Mani kay Morato-Lim at sa Rotary Club of Manila Binondo Prime sa pagpapalakas ng kanilang ugnayan sa RSU at sa pagsuporta sa mga programang nakasentro sa mga bata at pamilya.
Mananatiling epektibo ang kasunduan sa loob ng limang taon, na nagbibigay-daan sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga programang inaasahang makikinabang ang mga bata, pamilya at mas malawak na komunidad.
Sa pamamagitan ng naturang partnership, patuloy na pinapalakas ng RSU ang Family Empowerment Center bilang lugar kung saan nabibigyan ang mga bata ng pagkakataong matuto at umunlad, natutulungan ang mga magulang na mapaunlad ang kanilang pamilya, at nagkakaisa ang unibersidad at mga katuwang nito para sa mas matatag na pamilya at komunidad. (PR)



































Discussion about this post