Kabilang ang Diocese of Romblon sa mga diyosesis sa Visayas na bibisitahin ng relic ni St. Carlo Acutis sa ikalawang paglilibot nito sa Pilipinas mula Nobyembre 26 hanggang Disyembre 6, 2026.
Ayon sa CBCP News, kabilang din sa mga nakatakdang puntahan ang Archdiocese of Cebu at mga diyosesis ng Bacolod, Dumaguete, Kabankalan at San Carlos. Hindi pa inilalabas ng mga organizer ang pinal na iskedyul ng pagbisita sa bawat lugar.
Sasamahan ang relic ni Msgr. Anthony Figueredo, direktor ng international affairs at custodian nito para sa Diocese of Assisi sa Italy.
Inendorso ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang pilgrimage bilang pagkakataon para sa pagpapalaganap ng pananampalataya, pagtuturo ng katesismo at pagpapanibago ng espirituwalidad.
“The life and witness of St. Carlo Acutis … continue to inspire many, especially the youth, toward a deeper relationship with Christ,” ani Garcera sa kanyang endorsement.
Hinimok din niya ang mga obispo, pari, relihiyoso at mga layko na makiisa sa pagtanggap sa relic sa kani-kanilang diyosesis at parokya.
Bahagi ng pericardium o lamad na bumabalot sa puso ni Acutis ang naturang relic.
Noong 2025, umabot sa 18 araw ang unang paglilibot ng relic sa Luzon, kung saan binisita nito ang hindi bababa sa 29 simbahan sa 16 na diyosesis.
Si Acutis, isang British-born Italian na pumanaw sa edad na 15, ay na-canonize noong Setyembre 2025 at kinilala bilang unang santo mula sa millennial generation. Nakilala siya sa paggamit ng digital technology upang ipalaganap ang impormasyon tungkol sa mga Eucharistic miracle.


























