Nakatanggap ng tatlong pagkilala ang lokal na pamahalaan ng Odiongan sa Regional Nutrition Awarding Ceremony na ginanap sa Swiss-Belhotel Blulane sa Maynila dahil sa mga programa at pamumuhunan nito sa nutrisyon.
Kabilang sa mga pagkilalang natanggap ng bayan ang Highest Nutrition Investment at the Municipal Level at pagkilala sa patuloy at epektibong pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon.
Kinilala rin si Municipal Nutrition Action Officer Nigel David para sa kaniyang pamumuno at dedikasyon sa pagsusulong ng nutrisyon sa bayan.
Itinatampok din si David sa “NAO ang Bida,” isang buwanang tampok ng National Nutrition Council (NNC) MIMAROPA na kumikilala sa mga Nutrition Action Officer at sa kanilang mga ambag sa rehiyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Roger Fodra, patuloy na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ang mga programang pangkalusugan at pangnutrisyon, partikular para sa mga bata, buntis, nagpapasusong ina, at senior citizen.


























