Arestado ang 40 katao, kabilang ang dating alkalde ng San Fernando, sa pagsalakay ng pulisya sa isang sabungan sa Barangay Panangcalan, San Fernando, Romblon nitong hapon ng Linggo, Oktubre 18.
Isinagawa ang operasyon sa Sibuyan Amusement Center Corp. sa kahabaan ng National Road ng pinagsanib na puwersa ng San Fernando Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Captain Elena Gebana at ng 3rd Platoon ng Romblon Provincial Mobile Force Company sa pamumuno ni Police Captain Alvin Rex Bangona.
Ayon sa Romblon Police Provincial Office, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat na umano’y nag-ooperate ang pasilidad nang walang balidong prangkisa at business permit.
Kinumpirma ni dating Mayor Dr. Nanette Tansingco na kabilang sa mga naaresto ang kaniyang asawa na si dating Mayor Salem Tansingco.
Kabilang din sa mga naaresto ang mga lalaki at babae, mula sa mga young adult hanggang senior citizen, na umano’y nagsisilbing teller, caretaker, llamador, handler, bettor at watcher. Narekober din ng mga awtoridad ang mga ebidensiya at kagamitang may kaugnayan sa operasyon ng sabungan.
Isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang bagay sa presensya ng mga suspek, kanilang abogado at mga opisyal ng barangay. Dinala ang mga naaresto at ebidensiya sa San Fernando Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.
Ayon sa Romblon Police Provincial Office, bahagi ang operasyon ng kampanya nito laban sa ilegal na sugal sa lalawigan. Hinimok din ng pulisya ang mga operator ng mga pasugalan na kumuha ng kinakailangang permit at lisensya bago magsimula ng operasyon.
Samantala, sa panayam ng ABS CBN News, iginiit ni dating Mayor Dr. Nanette Tansingco na tinatarget umano ng mga lokal na awtoridad ang kanilang negosyo at tumanggi umanong tanggapin ng munisipyo ang bayad para sa business permit. Sinabi niyang naghain ang kumpanya ng mosyon sa korte upang maideposito ang bayad at pinagbigyan umano ito.
Ipinunto rin niya na sapat umano ang resolusyon ng Sangguniang Bayan upang bigyan ng prangkisa ang sabungan at hindi umano ipinagbawal ng Regional Trial Court ang operasyon nito.


























