Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko laban sa mapanganib na box jellyfish o “sea wasp” na namataan sa ilang karagatan sa MIMAROPA kabilang ang Romblon ngayong tag-init.
Ayon sa ahensya, kabilang sa mga lugar na may naiulat na presensya ng naturang jellyfish ang Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan.
Babala ng BFAR, maaaring magdulot ang box jellyfish ng matinding pananakit, hirap sa paghinga, at sa malalang kaso ay maaari pa itong humantong sa pagkamatay kapag hindi agad nalunasan ang pagkakatuklaw nito.
Dahil dito, pinayuhan ng ahensya ang mga naliligo at pumupunta sa mga beach na maging maingat lalo na ngayong tag-init kung kailan mas maraming turista at residente ang nagtutungo sa dagat.
Ayon sa BFAR, mahalagang agad umahon sa tubig kapag natusok ng jellyfish at maingat na alisin ang mga galamay na dumikit sa balat gamit ang ID card o anumang plastic card.
Pinaalalahanan din ang publiko na huwag lalagyan ng tubig-tabang, alkohol, buhangin, o ihi ang apektadong bahagi dahil maaari lamang umanong lumala ang epekto ng lason.
Sa halip, inirerekomenda ng BFAR ang paggamit ng suka bilang paunang lunas habang agad na dinadala ang pasyente sa pinakamalapit na ospital o health facility para sa agarang gamutan.
Ayon pa sa ahensya, karaniwang peak season ng jellyfish ang mga buwan ng Abril at Mayo kaya mas pinaigting nila ang pagbabantay at pagbibigay ng paalala sa mga coastal areas sa rehiyon.



































Discussion about this post