Nagsasagawa na ng paunang paghahanda ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Romblon para sa posibleng epekto ng El Niño, partikular sa suplay ng tubig sa Romblon District Jail.
Ayon kay Jail Senior Inspector Emely Mallen ng Romblon District Jail, nakipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan kay Romblon Mayor Gerard Montojo upang talakayin ang mga posibleng hakbang sakaling makaranas ng kakulangan sa tubig dahil sa El Niño.
Sa kasalukuyan, sinabi ng BJMP na sapat pa ang suplay ng tubig sa Romblon District Jail at wala pa itong nararanasang problema kaugnay nito.
Gayunman, bilang bahagi ng paghahanda, nakahanda ang BJMP na makipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Bureau of Fire Protection (BFP), para sa posibleng alternatibong suplay ng tubig kung kinakailangan.
Patuloy din ang koordinasyon ng BJMP sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang maisama ang kalagayan at mga pangangailangan ng Romblon District Jail sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan para sa disaster risk reduction and management.
Sa pamamagitan ng koordinasyon, pinag-iingatan ng BJMP ang mga posibleng epekto ng matinding init, kakulangan sa suplay ng tubig at iba pang sitwasyong maaaring makaapekto sa operasyon ng pasilidad at kalagayan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Patuloy namang minomonitor ng BJMP Romblon ang suplay ng tubig sa pasilidad at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang tanggapan bilang paghahanda sa posibleng paglala ng epekto ng El Niño sa lalawigan.


























