Magsasagawa ang Department of Trade and Industry (DTI) Romblon ng In-store Diskwento Caravan sa October 9 at 10 sa mga kalahok na tindahan sa pitong bayan sa lalawigan.
Kabilang sa mga bayan na may participating stores ang Odiongan, Looc, Romblon, Sibuyan, Calatrava, Corcuera at Concepcion.
Ayon kay DTI Romblon OIC Provincial Director Orville F. Mallorca, isasagawa ang Diskwento Caravan mismo sa mga tindahan sa halip na magtipon ng mga kalahok na negosyo sa isang lugar.
Sinabi ni Mallorca na makatutulong ang ganitong setup upang mabawasan ang gastusin ng pamahalaan at mga kalahok na tindahan dahil hindi na kailangang magsagawa ng hauling o pagdadala ng mga produkto mula sa mga tindahan patungo sa isang central venue.
Mas marami rin umanong consumers mula sa iba't ibang bayan ang maaaring makinabang dahil isasagawa ang diskwento sa mismong participating stores sa kani-kanilang lugar.
As of October 6, nasa 29 establishments na ang nakatakdang lumahok sa In-store Diskwento Caravan, kabilang ang Blessed Hardware sa Odiongan.
Mas mataas ito kumpara sa halos 15 participating stores noong nakaraang taon.
Ang In-store Diskwento Caravan ay bahagi ng mga aktibidad ng DTI Romblon para sa Consumer Welfare Month 2026 na may temang “Safe Products, Confident Consumers: Raising Standards for Safe Products and Stronger Consumer Confidence.”


























