Kikilalanin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang ortograpiya ng tatlong wika ng Romblon na Asi, Onhan at Ini matapos ang halos walong taong proseso na pinangunahan ng Department of Education (DepEd) Romblon.
Ayon kay Schools Division Superintendent Roger Capa, nagsimula noong 2018 ang proseso para sa pagbuo at pagkilala sa ortograpiya ng tatlong wika.
Dumaan ang proseso sa mga konsultasyon at pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng mga pamayanan, mga eksperto sa wika, KWF, Indigenous Peoples Mandatory Representatives (IPMRs), community elders, tribal leaders at iba pang sektor.
Isinagawa rin ang mga writeshop, pagsusuri at validation upang mabuo at mapagtibay ang mga dokumentong magiging batayan sa pagsulat ng Asi, Onhan at Ini.
Sinabi ni Capa na ilang beses ding isinailalim sa rebisyon at muling validation ang mga dokumento bago umabot sa kasalukuyang yugto ng proseso.
Inaasahan naman, ayon kay Capa, na pormal na mailalabas ngayong November ang resolusyon ng KWF na magpapatibay sa pagkilala sa ortograpiya ng tatlong wika.
Naalala ni Capa na nang ipatupad ng DepEd ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa buong bansa noong School Year 2012-2013, Tagalog ang ginamit bilang mother tongue sa mga paaralan sa Romblon dahil wala pang kinikilalang lokal na wika sa lalawigan noon.
Sinabi rin niya na ang DepEd Romblon ang kauna-unahang Schools Division sa MIMAROPA na nanguna sa proseso para sa pagkilala ng wika mula sa KWF, at tatlong wika ang isinulong nito—Asi, Onhan at Ini.
Kabilang sa mga naging bahagi ng proseso ang IPED Coordinator na si EPS Jordan Solatorio, mga IPMR, teacher-writers, validators, school officials, community representatives at iba pang tumulong sa pagbuo at pagsusuri ng mga ortograpiya.
Ayon kay Capa, ang pagkakaroon ng pamantayan sa pagsulat ng Asi, Onhan at Ini ay makatutulong sa pagpapanatili at pagpapasa ng mga wika sa mga susunod na henerasyon.

























