Umabot na sa 1,037 graduating students ng Romblon State University (RSU) Main Campus ang sumalang sa unang wave ng SPARK 2.0 Mock Job Fair bilang bahagi ng paghahanda sa kanilang pagpasok sa mundo ng trabaho.
Ayon kay Dr. Sherryll Fetalvero, Director ng Center for Alumni Relations and Employment Services (CARES), isinagawa ang aktibidad upang matulungan ang mga graduating students na maihanda ang kanilang sarili sa proseso ng pag-a-apply ng trabaho matapos ang kanilang pag-aaral.
Tinuruan ang mga estudyante tungkol sa mga kinakailangang paghahanda sa paghahanap at pag-aapply ng trabaho, kabilang ang mga dapat isaalang-alang sa pagharap sa mga prospective employer.
Kabilang din sa aktibidad ang job fair simulation kung saan sumailalim ang mga graduating students sa mock job interviews upang maranasan ang proseso ng isang aktuwal na job fair.
Isinagawa ang SPARK 2.0 Mock Job Fair sa loob ng isang linggo, mula October 5 hanggang 8, sa RSU Main Campus.


























