Lumagda ang Department of Agriculture–MIMAROPA (DA-MIMAROPA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng 29 farm-to-market road (FMR) projects na may kabuuang halaga na ₱430 milyon sa iba’t ibang bahagi ng MIMAROPA Region.
Isinagawa ang paglagda noong September 28 sa DPWH Regional Office sa Quezon City bilang bahagi ng pagpapatupad ng mga FMR project na nakapaloob sa General Appropriations Act (GAA) ng DA para sa Fiscal Year 2026.
Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan ang DA-MIMAROPA at DPWH sa pagpapatupad ng mga proyekto upang mapabuti ang koneksyon ng mga agricultural production area sa mga pamilihan at pangunahing lansangan.
Ayon kay Bañas, makatutulong ang mga FMR sa pagpapadali ng pagdadala ng mga ani mula sa production areas patungo sa mga pamilihan.
“Ang farm-to-market road ay makakatulong ng direkta sa ating mga magsasaka upang mas mapadali at mapabilis ang pagdadala ng kanilang ani sa pamilihan. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan natin sa DPWH, nais nating matiyak na ang mga proyektong ito ay maipatutupad nang maayos at tunay na mapapakinabangan ng ating mga agricultural communities,” ani Bañas.
Ililipat ang pondo para sa mga proyekto sa DPWH batay sa approved project milestones at pagsusumite, validation at acceptance ng kinakailangang technical, physical at financial reports.
Nakasaad sa MOA na ilalabas ang pondo sa hindi bababa sa tatlong tranche bilang bahagi ng monitoring at paggamit nito. Magtutulungan din ang dalawang ahensya upang matiyak na ang mga FMR project ay ipatutupad alinsunod sa itinakdang technical standards at project requirements.
Ang 29 proyekto ay naglalayong mapabuti ang koneksyon ng mga sakahan sa mga pamilihan, mapadali ang transportasyon ng mga produktong agrikultural at matugunan ang mga hamon sa logistics na kinakaharap ng mga magsasaka sa rehiyon.


























