Patuloy na mino-monitor ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Technical Education and Skills Development Authority ang tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Romblon na napilitang umuwi sa bansa dahil sa patuloy na sigalot sa Middle East.
Ayon kay Angelyn Elisan, Family Welfare Officer ng OWWA Romblon, ang tatlong OFW ay mula sa mga bayan ng Alcantara, San Andres, at Odiongan.
Sinabi ni Elisan na agad na binigyan ng tulong ang mga umuwing OFW sa pamamagitan ng cash assistance at mga programang pangkabuhayan upang makatulong sa kanilang muling pagsisimula sa lalawigan.
Kabilang sa mga naibigay na tulong ang livelihood assistance gaya ng pagbibigay ng puhunan para sa maliit na negosyo tulad ng pagtitinda ng bigas, na kasalukuyang pinagkakakitaan ng mga benepisyaryo.
Samantala, isa naman sa mga OFW ang nabigyan ng scholarship voucher mula sa TESDA, kung saan pinili nitong kumuha ng Food and Beverages NC II training bilang bahagi ng kanyang paghahanda sa bagong hanapbuhay.
Ayon sa mga ahensya, layunin ng mga programang ito na matulungan ang mga returning OFWs na makabangon at magkaroon ng alternatibong kabuhayan sa kanilang mga komunidad.
Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang OWWA at TESDA sa mga benepisyaryo upang masubaybayan ang kanilang kalagayan at matiyak na epektibo ang mga ibinigay na tulong.
Bahagi ang mga tulong na ito ng pinalawak na reintegration program ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Migrant Workers, na isinulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang tulungan ang mga OFW na naapektuhan ng krisis sa ibang bansa.
Sa ilalim ng nasabing programa, pinagsasama-sama ang iba’t ibang serbisyo mula sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor, kabilang ang livelihood support, job opportunities, skills training, healthcare services, at access sa puhunan para sa negosyo upang matulungan ang mga OFW na makapagsimulang muli sa bansa.
Ayon sa pamahalaan, hindi nagtatapos sa repatriation ang tulong sa mga OFW, kundi nakatuon din ito sa pagbibigay ng pangmatagalang oportunidad upang magkaroon sila ng matatag na kabuhayan sa Pilipinas.
Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang OWWA at TESDA sa mga benepisyaryo upang masubaybayan ang kanilang kalagayan at matiyak ang tuloy-tuloy na suporta habang sila ay muling bumabangon at nagsisimula sa kanilang mga komunidad. (PJF/PIA MIMAROPA-Romblon)



































Discussion about this post