Muling nagpaalala ang Provincial Veterinary Office (ProVet) Romblon sa mga residente at biyaherong papasok sa lalawigan na ipinagbabawal pa rin ang pagdadala ng mga buhay na baboy at ilang produktong baboy bilang hakbang laban sa African Swine Fever (ASF).
Sa abiso ng ProVet, nananatiling umiiral ang Executive Order No. 08-004, Series of 2025, na nagtatakda ng pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga naturang produkto sa Romblon.
Kabilang sa mga ipinagbabawal ang buhay na domestic at wild pigs, sariwa at frozen na karne ng baboy, at hilaw o hindi lutong processed pork products tulad ng longganisa, chorizo, tocino, siomai at bacon.
Ipinagbabawal din ang iba pang by-products ng baboy na maaaring magdala ng ASF virus.
Samantala, pinapayagan ang mga de lata at lutong processed pork products na sumusunod sa itinakdang health standards, ngunit kinakailangan pa rin ang inspeksyon at kaukulang sertipikasyon.
Binigyang-diin ng ProVet na mahalaga ang pagsunod sa kautusan upang maprotektahan ang industriya ng pagbababoy sa Romblon laban sa ASF, isang sakit na nakaaapekto sa mga baboy at maaaring magdulot ng malaking pinsala sa kabuhayan ng mga hog raiser.
Nagpaalala rin ang tanggapan sa publiko na maging maingat sa pagdadala ng mga produktong baboy, lalo na ngayong ber months kung kailan inaasahang dumarami ang mga produktong dinadala para sa mga handaan at okasyon.


























