Nakahanda ang pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology – Romblon District Jail sa pagpapanatili ng magandang kalusugan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL), lalo na ang mga matatanda o senior citizen, sa harap ng inaasahang pagtaas ng temperatura dulot ng El Niño.
Ayon kay Jail Senior Inspector Emily Mallen, Acting District Jail Warden ng Romblon District Jail, may mga nakatalagang duty nurse sa pasilidad upang mabilis na makatugon kung sakaling magkaroon ng insidente ng heat stroke o iba pang heat-related illness.
May sapat ding suplay ng mga gamot ang pasilidad na nagmumula sa BJMP MIMAROPA Regional Office, Rural Health Unit (RHU) ng Romblon, pati na sa mga tulong mula sa mga pampribadong indibidwal na inilalaan para sa mga nangangailangang PDL.
Bukod sa suplay ng gamot, nagpapatupad din ng mahigpit na medical assessment ang kanilang medical officer bago payagáng lumabas para sa mga outdoor activity ang mga PDL, lalo na ang mga senior citizen, upang maiwasan ang mga sakit sa balat at iba pang komplikasyon dulot ng matinding init kagaya ng sore eyes at skin rashes.
Ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, inaasahan ang El Niño sa huling bahagi ng 2026 na magtatagal hanggang unang mga buwan ng susunod na taon at isa ang Romblon sa posibleng maapektuhan ng init nito.


























