Pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng Calatrava nitong October 9 ang bagong Legislative Building na magsisilbing tanggapan ng bise alkalde at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Dinaluhan ang pagpapasinaya nina Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” Madrona, Mayor Robert Fabella, iba pang mga alkalde sa lalawigan at mga opisyal ng bayan ng Calatrava.
Ang dalawang palapag na gusali ay itinayo gamit ang pondo ng lokal na pamahalaan, ayon kay Fabella.
Nagtatampok ang bagong gusali ng modernong disenyo at mga pasilidad na inilaan para sa mga gawain ng mga opisyal ng Sangguniang Bayan. Kabilang dito ang sariling generator set na maaaring gamitin kapag nawalan ng suplay ng kuryente at microphone system na gagamitin sa mga sesyon ng konseho.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng proyekto na magkaroon ng mas maayos, organisado at madaling mapuntahang mga tanggapan para sa mga opisyal ng Sangguniang Bayan.
Inaasahan ding magsisilbi ang gusali bilang lugar para sa pagsasagawa ng mga sesyon at iba pang gawain ng konseho kaugnay ng mga usaping pambayan at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Calatravanhon.


























