Nakatanggap ng kabuuang ₱715,000 na incentives ang 35 coconut farm workers mula sa tatlong barangay sa Cajidiocan bilang pagkilala sa kanilang pag-aalaga ng mga punla ng niyog sa ilalim ng Coconut Hybridization Program – Seedfarm Establishment.
Isinagawa ng Municipal Agriculture Office (MAO) Cajidiocan ang pamamahagi ng PCPP Option III – Phase II Incentives para sa mga coconut farm workers na nangalaga ng mga coconut seedlings sa mga nursery.
Pinakamalaki ang natanggap ng mga benepisyaryo mula sa Barangay Danao, kung saan 15 coconut farm workers ang tumanggap ng ₱357,500 para sa 14,300 punla ng niyog.
Samantala, 10 benepisyaryo mula sa Barangay Alibagon ang nakatanggap ng ₱178,750 para sa 7,150 punla. Gayundin, ₱178,750 ang ipinamahagi sa 10 coconut farm workers mula sa Barangay Marigondon para sa kaparehong bilang ng mga punla.
Sa kabuuan, umabot sa 28,600 coconut seedlings ang inalagaan ng mga benepisyaryo mula sa tatlong barangay.
Ipinatupad ang pamamahagi sa ilalim ng programa ng Philippine Coconut Authority (PCA), sa pakikipag-ugnayan sa MAO Cajidiocan at sa suporta ni Mayor Ramos.


























