Umabot sa mahigit 1,100 report at higit 800 feedback message ang natanggap ng bagong online public grievance platform ng pamahalaan na “Sumbong sa Pangulo” sa loob lamang ng tatlong araw mula nang ilunsad ito, ayon sa Malacañang nitong Huwebes.
Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na mula Agosto 11 hanggang 13, naitala ng website na sumbongsapangulo.ph ang kabuuang 84,892 views, 1,148 ulat, at 823 mensahe ng feedback.
Inilunsad noong Agosto 11, layunin ng platform na bigyan ang publiko ng direktang paraan upang maiparating ang kanilang reklamo, hinaing, o suhestiyon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa Office of the President.
Nakatuon ito sa pagbibigay ng sentralisado at madaling ma-access na channel para sa mga isyu at puna sa mga proyekto ng pamahalaan, partikular na sa mga flood control project.
Ayon kay Castro, inatasan na ni Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilagay sa blacklist ang mga kontraktor na responsable sa mga palpak na flood control project.
Binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga ang partisipasyon ng mamamayan sa pagtukoy ng mga iregularidad at sa pagpapanatili ng transparency sa pagpapatupad ng ₱545-bilyong flood control program mula pa noong kalagitnaan ng Hulyo 2022 nang magsimula ang kanyang termino.
Ang paglulunsad ng “Sumbong sa Pangulo” ay kasunod ng direktiba ng Pangulo sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address na magsagawa ng audit sa mga flood control project bilang bahagi ng pangako ng pamahalaan na palakasin ang transparency at pananagutan sa paggastos para sa imprastruktura.
Tiniyak din ni Marcos na personal niyang babasahin ang mga reklamong isusumite habang tinututukan ng pamahalaan ang mga kahina-hinalang proyekto ng flood control sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


































