Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga distribution utility (DU) na palawigin ang pansamantalang paghinto ng pagpuputol ng suplay ng kuryente sa mga residential consumer na may buwanang konsumo na 200 kilowatt-hours (kWh) o mas mababa at hindi makabayad ng kanilang November at December 2026 bills.
Batay sa inilabas na kautusan ng ERC, kailangang magpatupad ang mga distribution utility ng staggered o deferred payment arrangement na tatagal nang hindi bababa sa tatlong buwan mula sa pagtanggap ng mga consumer ng kanilang bill.
Gayunman, kailangang bayaran ng mga kwalipikadong consumer sa o bago ang November 26 ang lahat ng hindi pa nababayarang regular bills at installment payments na dapat nang bayaran sa ilalim ng flexible payment arrangements para sa billing period mula May hanggang July 2026.
Saklaw din ng kondisyong ito ang mga residential consumer na may konsumo na 200 kWh pababa at may hindi pa nababayarang regular bills o buwanang installment para sa August hanggang October 2026.
Ayon sa ERC, ang mga hindi makatutupad sa naturang kondisyon ay hindi kwalipikadong makinabang sa suspensiyon ng disconnection para sa November at December bills.
Hindi naman saklaw ng kautusan ang mga non-residential consumer at mga residential consumer na lumalagpas sa 200 kWh ang buwanang konsumo.
Pinayuhan silang bayaran ang kanilang mga bill sa itinakdang due date upang maiwasan ang pagkaputol ng suplay ng kuryente.
Inatasan din ng ERC ang mga distribution utility na isumite ang kanilang compliance report sa o bago ang January 31, 2027.


























